HINDI nakaligtas sa kamatayan ang siyam kataong sakay ng isang BE350 medical evacuation aircraft nang bumagsak sa lungsod ng Calamba, Laguna nitong Linggo ng hapon, 1 Setyembre, na tumama at puminsala sa dalawang resort sa lugar.
Kinompirma ni Calamba City Mayor Justin Chipeco na isang maliit na eroplano ang bumagsak sa lungsod dakong 3:30 pm.
Iniulat na mula sa Dipolog Airport sa Zamboanga del Norte ang eroplano.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nawalan ng radar contact dakong 3:10 pm ang eroplano habang nasa himpapawid palapit sa Maynila.
Ayon kay Jeffrey Rodriguez, pinuno ng Public Order and Safety Office ng lungsod, bumagsak ang eroplano sa Miramonte Subdivision sa Barangay Pansol, kilalang lokasyon ng mga pribadong hotspring resort.
Dagdag ni Rodriguez, dumating ang Bureau of Fire dahil sa apoy na nagmula sa bumagsak na eroplano
Nabatid na nakaligtas mula sa sakuna ang isang caretaker ng resort ngunit may isang batang naiwan sa loob.
Nailigtas ng mga awtoridad ang batang naiwan na tumalon umano sa swimming pool upang makaiwas sa eroplano.
Noong Sabado, isa pang eroplano ang bumagsak sa bayan ng Nasugbu, sa lalawigan ng Batangas, pero nailigtas ng mga mangingisda ang dalawang piloto nito.