DUGUAN at tadtad ng saksak ang isang babae nang matagpuan sa inupahang motel, Linggo ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Tinangkang habulin ang suspek na nagtatatakbo palabas ng Safety Motel sa kanto ng Moriones at Mabuhay St., ngunit hindi naabutan ng roomboy.
Inilarawan ni P/Sgt. Jansen Rey San Pedro, ng Manila Police District – Homicide Section, ang biktima na kinilala sa alyas na Aissa, edad 25-30, at katamtaman ang pangangatawan.
Sa ulat, 5:30 am nang madiskubreng walang malay ang duguang biktima.
Bago nadiskubre ang biktima, nakita umano ang isang lalaki na tumatakbo papatakas galing sa isang kuwarto ng motel.
Nabatid na hinabol ni Daniel Reantaso ang tumatakas na suspek, pero hindi inabutan, kaya agad nitong pinuntahan ang babae at nakitang naliligo sa sariling dugo ang babae dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa impormasyon ng pulisya, kilala umanong bayarang babae ang biktima sa lugar.
Inaalam ng pulisya kung hindi pagkakaunawaan sa presyo ng ‘panandaliang kaligayahan’ ang pinag-awayan ng biktima at ng suspek.
Iniimbestigahan din ng pulisya ang ibang motibo at inaalam ang pagkakilanlan ng suspek.