SWAK sa kulungan ang isang istambay na bebot na nanggantso at muling natangkang huthutan ang isang senior citizen na businesswoman sa Malabon City kahapon ng umaga.
Dakong 10:40 am nang madakip ang suspek na kinilalang si Cristina Clarito, 33 anyos, residente sa Emilio Jacinto St., Brgy. Concepcion sa loob ng Immaculate Conception Church sa isinagawang entrapment operation.
Ito’y matapos tanggapin ang P2,500 marked money at original na titulo ng lupa mula kay Claudia Ramirez-Golosino, 62 anyos, residente sa Emilio Jacinto St., ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Joenel Claro, nagpakilala si Clarito na kasapi ng TUPAD, isang grupo ng street sweepers at binola ang biktima na mag-invest ng pera para sa pagbili ng mga gamit ng kanilang grupo kapalit ng malaking kita.
Nagtiwala ang matanda at nagbigay ng malaking halaga kay Clarito bilang investment nang walang anomang kasulatang magpapatunay na may transaksiyong naganap.
Gayonman, walang naibalik na ‘kita’ si Clarito kay Golosino matapos ang kanyang mga transaksiyon, bagkus ay humingi pa ng karagdagang P2,500 at original na titulo ng lupa mula sa biktima.
Dito na nagduda si Golosino. kaya humingi ng tulong sa pulisya at sa ikinasang entrapment operation ng PCP-7 at Follow-Up Unit sa pamumuno ni P/Sgt. Melchor Prado at P/Sgt. Benedicto Zalta, nadakip ang suspek na sinampahan ng kasong Extortion at Estafa.
(ROMMEL SALES)