PATAY ang isang 59-anyos bakery helper matapos pagbabarilin ng hindi kilalang gunman sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang biktimang kinilalang si Eddie Gonzales, residente sa Phase 1 Gozon Compound, Brgy. Tonsuya sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Batay sa ulat nina police homicide investigator P/SSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Philip Cesar Apostol, nakatayo ang biktima sa labas ng isang computer shop malapit sa kanilang bahay nang biglang sumulpot ang hindi kilalang suspek saka pinagbabaril sa katawan at ulo.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon ang gunman habang isinugod ang biktima ng kanyang mga kaanak sa pagamutan.
Ipinag-utos ni Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao sa kanyang mga tauhan ang follow-up investigation sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam ang tunay na motibo sa insidente.
(ROMMEL SALES)