UMABOT sa P19.5 milyon ang naitalang pinsala sa agrikultura sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos ang pananalasa ng bagyong Ineng.
Isinialalim nitong Sabado, 24 Agosto, ang lalawigan sa ‘state of calamity’ matapos mag-iwan ang malakas na ulan ng dalawang patay, lubog na sakahan at taniman, at mga bakang nagkalunod sa baha.
Ayon kay Marcell Tabije, pinuno ng Ilocos Norte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nangangailangan ang lalawigan ngayon ng mga butong pananim, abono, at mga hayop upang matulungan ang mga magsasaka na makapagsimula muli.
Ani Tabije, prayoridad nila ang rehabilitasyon ng agri areas na napinsala ng bagyo at matulungang makabangon muli ang mga magsasakang apektado ng pananalasa ng bagyo.
Inaasahang uuwi sa kanilang mga bahay kahapon, araw ng Linggo, ang 559 residenteng nasa evacuation centers dahil nagsimula nang humupa ang baha.
Umalis sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ineng noong Sabado ng gabi, 24 Agosto, ngunit inaasahan ang isa pang bagyong papasok sa bansa sa mga susunod na araw, ayon sa PAGASA.