PATAY ang isang babaeng gurong Jesuit volunteer habang malubhang nasugutan ang kasamang abogado nang paulit-ulit silang saksakin ng lalaking nahuli nilang nagnanakaw sa loob ng kanilang tinitirahang kubo sa bayan ng Pangantucan, lalawigan ng Bukidnon nitong Biyernes ng gabi, 23 Agosto.
Kinilala ni P/SSgt. Michael Villasan ng Pangantucan police ang biktimang si Genifer Buckly, 24 anyos, mula sa bayan ng Guipos, Zambaonga del Sur, na agad namatay sanhi ng mga saksak sa kaniyang dibdib at tiyan.
Samantala, nasa ospital ang kasamahan ng napaslang na biktimang si Ann Kathleen Gatdula, 30 anyos, isang abogada mula sa lungsod ng Quezon, na nasaksak sa kaniyang tiyan at balikat.
Bahagi ng Jesuit Volunteers Program (JVP) sina Buckly at Gatdula bilang mga guro sa Pangantucan Community High School na pinamamahalaan ng mga Heswita.
Ayon kay Villasan, nadakip na ng pulisya ang suspek na kinilalang si Arnold Naguilla, 36 anyos, residente sa nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, nabatid na nilooban ni Naguilla ang kubo ng dalawang biktima at pinagsasamsam ang mga kagamitan nila.
Nang mahuli ng dalawang boluntaryong guro, pinag-uundayan sila saksak ng suspek na naging sanhi ng kamatayan ni Buckly.
Sinubukan tumakas ng suspek ngunit namukhaan siya ng mga nakasaksi na siyang tumatakbo palabas ng kubo ng dalawang biktima.
Dinala ng mga atworidad ang suspek sa pagamutan upang kilalanin ni Gatdula ngunit hindi niya ito matingnan nang personal dahil sa labis na ‘trauma’ sa sinapit.
Sa halip ay nagpaguhit ng sketch si Villasin at ipinakita kay Gatdula na positibo niyang kinilala na nakita nilang nagnanakaw ng kanilang mga kagamitan.
Umaasa ang pulisya sa agarang paggaling ni Gatdula upang personal na matukoy si Naguilla bilang salarin.
Nagtapos ang napaslang na si Buckly ng Secondary Education sa Ateneo de Zamboanga University sa lungsod ng Zamboanga at bahagi ng misyon ng JVP.
Inihatid ng kaniyang mga kasamahan sa JVP ang labi ni Buckly pauwi sa lungsod ng Zamboanga noong Sabado, 24 Agosto.