NANAWAGAN sa Office of the Ombudsman ang pangunahing nagreklamo para mahatulan ng habambuhay na diskalipikasyon si Nueva Ecija Governor Aurelio Umali na maglabas ng certificate of finality sa naging desisyon ng anti-graft body noong 14 Nobyembre 2016.
Sa kanyang dalawang-pahinang sulat sa Ombudsman, sinabi ni Edward Thomas F. Joson na batay sa resulta ng imbestigasyon ng Ombudsman, napatunayang guilty si Umali sa grave misconduct, gross negligence of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Sinabi ni Joson na hinatulan din si Umali at ang dating Agriculture director ng lalawigan na si Renato Manantan ng pagkadismis sa serbisyo, pagtanggal ng lahat ng benepisyo, at pinagbawalan na rin silang makapanungkulan sa gobyerno sa kahit anong posisyon habambuhay.
Katunayan, inatasan na rin umano ng Ombudsman ang DILG na isilbi ang kanilang order at alisin sa puwesto si Umali matapos mapatunayan sa imbestigasyon ang maanomalyang pagbili nito ng liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P12 milyon noong siya ay congressman pa lamang.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Ombudsman na P150 lamang ang halaga ng isang botelya ng liquid fertilizer ngunit binayaran ng P1,500 bawat isa ang mahigit 7,920 umabot sa P12 milyon gamit ang pork barrel ni Umali noong siya ay congressman pa lamang.
Sa pamamagitan ng paglalabas ng certificate of final decision, mababalewala ang certificate of candidacy ni Umali na isinumite sa Comelec nang kumandidatong gobernador noong May 2019.
“Premises considered, it is respectfully requested of your honor that a certificate of finality be issued for the decision dated 14 November 2016 in OMB-C-A-15-026,” mariin pero magalang na hiling sa huling bahagi ng liham ni Joson.