INIHAYAG ni Senadora Riza Hontivero, sang-ayon siya sa retroactive application ng Republic Act 10592 ukol sa pagtataas ng good conduct time allowance (GCTA) na ibabawas sa jail term ng isang preso.
Ayon kay Hontiveros, ang mga nagkasala na sinserong nagsisisi at nakitaan ng tunay na pagbabago ay dapat bigyan ng pagkakataong makapagbagong buhay at muling maibalik sa lipunan.
Pero binigyang-diin ng Senadora, hindi pasok sa ganitong usapin ang rape-slay convict na si Antonio Sanchez.
“Hindi siya kalipikado para ibaba ang kanyang jail term. Walang ipinakitang pagbabago at pagsisisi si Sanchez. Sa katunayan, kahit nakakulong si Sanchez ay patuloy siyang gumagawa ng krimen sa loob ng bilanguan.” diin ni Hontiveros.
Paano niya masasabi na may “good conduct” kung nahulihan siya ng P1.5 milyong halaga ng shabu nakatago sa imahe ng santo sa kanyang kulungan noong 2010? Paano siyang masasabi na may mabuting asal kung patuloy siyang nabubuhay bilang VIP sa loob ng bilanguan — may aircon at flat-screen tv?
Nananawagan si Hontiveros sa mga opisyal ng Bureau of Corrections na masinsinang repasohin at maayos na tukuyin ang mga presong karapat-dapat mabawasan ng sentensiya.
Ang pagpapatupad ng bagong GCTA guidelines ay hindi usapin ng simpleng pagkukuwenta. Mas mahalagang mapag-aralang mabuti ang pangkabuuang kondukta ng bawat bilanggo sa loob ng piitan at ihambing ito sa klase at bigat ng krimen na kanyang nagawa.
Sabi nga nila, “where crime hurts, justice should heal.” Pero paanong magkakaroon ng paghihilom kung walang pananagutan, walang pagsisisi, walang rehabilitasyon at pagbabago. Ang pagpapalaya sa isang kriminal na hindi kailanman umamin at nagsisi sa kanyang krimen at gumawa ng mga bago at malulubhang krimen sa loob ng piitan ay hindi matatawag na hustisya. Ito ay maituturing pa ngang isang krimen,” dagdag ni Hontiveros.
(CYNTHIA MARTIN)
Sanchez ‘di maaaring lumabas sa kulungan
UMALMA ang isang kongresista mula sa oposisyon kahapon matapos mapabalita na kasama si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa mga palalayain sa kulungan dahil umano sa “good behavior.”
Ayon kay Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, mga datos mula sa Bilibid ay magpapakitang maraming nagawang paglabag sa mga patakaran sa kulungan si Sanchez.
“Established facts and records would reveal that convicted rapist and murderer Antonio Sanchez violated prison rules. How in the world is smuggling illegal drugs and contraband in his jail cell would constitute good behavior?” tanong ni Garbin, ang vice chairman ng House Committee on Justice.
Aniya, hindi dapat isama si Sanchez sa bilang ng nga nakalulong na nagpakita ng magandang kalooban.
“He is absolutely unqualified for the law that favors inmates who show exemplary behavior. To do otherwise is to cause ignominy and more suffering to the victims family,” paliwanag ni Garbin.
Si Sanchez ay nahatulan ng siyam na “reclusion perpetua” o higit 40 taon na pagkakakulong sa kasong rape at pagpatay kay Aileen Sarmenta at kay Allan Gomez.
Noong 2006, nahulihan ng marijuana sa kanyang selda si Sanchez at noong 2010 nahulihan din ng P1.5-milyong halaga ng shabu sa loob ng poon ni Mama Mary sa loob ng kanyang selda.
Bago nahatulan sa Sarmenta-Gomez rape-slay case, nahatulan na rin ng Korte sa Pasig ng pagpatay kina Ricson at Nelson Peñalosa, noong Abril 1991. Sila Peñalosa ay mga supporter ng karibal ni Sanchez sa politika.
“Only those who showed good behavior can avail of the Conditional expanded GCTA under R.A 10592,” ani Garbin.
Ayo kay Garbin, paiimbestigahan niya at sisiguraduhin ang pagpapalaya sa mga preso sa pamamagitan ng “good behaviour.”
“I will file a resolution to investigate and to make sure that RA 10592 on the conditional expanded GCTA is properly implemented and that only those inmates who showed good behaviour can avail of the same,” aniya.
“Baka naman kasi ‘yong mga convicted drug lords whose serving sentence and testified during the 17th congress in the committee on Justice that they run a drug operation in collusion with the BoC personnel ay mag benefit pa rito,” dagdag niya.
Nangamba si Garbin na baka mapalaya rin ang mga nag-testify sa mga hearing ng Kamara kaugnay sa drugs sa bilibid.
“DOJ can take judicial notice of their testimony during our drug hearing in the Justice committee. To me certainly that admission go against good behavior,” giit ni Garbin.
(GERRY BALDO)
Nahulihan ng P1.5
shabu sa Bilibid
SANCHEZ MALABO
SA PAROLE
PABOR ang Palasyo sa mungkahi ni Sen. Franklin Drilon na dapat imbestigahan kung kalipikado si convicted rapist-murderer at dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na magawaran ng parole.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat talagang busisiing mabuti kung qualified muna ang isang inmate sa terms na nilalaman ng batas bago mabigyan ng grant.
Umani ng batikos at pagtutol ang pagkakabilang ni Sanchez sa isang libong potential beneficiary ng Good Conduct Time Allowance sa mga presong pasok sa itinakdang criteria.
Ani Panelo, kung mayroon man katanungan o concern kaugnay dito, dapat ay idulog sa Kongreso dahil ang pag-amyenda ng batas ang nakikitang remedyo ng Palasyo.
Kaugnay nito, inilinaw ni Bureau of Corrections (Bucor) Director General Nicanor Faeldon na maaaring hindi kalipikado sa parole dahil sa mga paglabag sa batas na ginawa ng convicted rapist-murderer gaya ng nakompiskang P1.5 milyong shabu sa kanyang selda noong 2010.
(ROSE NOVENARIO)
SANCHEZ, GUILTY
SA 2 MURDER CASE
BAGO ginahasa at pinatay si Eileen Sarmenta, at pinahirapan hanggang patayin si Allan Gomez, nilitis at nahatulan na ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez sa dalawang kaso ng murder.
Noong 13 Abril 1991, pinagbabaril hanggang mamatay ng mga tauhan ni Sanchez ang mag-amang Nelson at Rickson Peñalosa.
Sinasabing si Nelson ay dating lider at tagasuporta ng kalaban ni Sanchez sa politika.
Napatunayang responsable sa pagpaslang sina Sanchez tatlong iba — kabilang si Luis Corcolon, kapwa niya akusado sa Sarmenta-Gomez rape-slay case — dahil sa testimonya ng isa niyang police escort.
Nilitis ang kaso sa Branch 160 ng Pasig Regional Trial Court, hanggang lumabas ang hatol noong 1996.
Isang taon bago ito, hinatulan ng Pasig RTC Branch 70 sa salang panggagahasa at pagpatay kay Sarmenta, at pagpatay kay Gomez si Sanchez at ang kanyang mga tauhan.
Pinagtibay ng First Division ng Korte Suprema sa pamamagitan ni Associate Justice Alicia Austria-Martinez ang mga hatol ng dalawang mababang hukuman noong 1999.
Sa kabuuan, nahatulan ang dating alkalde ng siyam na reclusion perpetua, o pagkakakulong ng hindi bababa sa 40 taon.
May ulat din lumabas na sinampahan ng reklamo si Sanchez matapos mahulihan ng marijuana sa loob ng piitan.
Apat na taon ang lumipas, muling lumutang ang pangalan ni Sanchez nang matagpuan ang P1.5 milyong halaga ng shabu na nakatago sa isa sa mga imahen ng Birheng Maria sa loob ng kaniyang selda sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison.
Makalipas ang limang taon, nasamsam sa selda ng dating alkdalde sa isang raid sa Maximum Security Compound ang isang flat-screen TV, air conditioner, at refrigerator.