INATASAN ng Office of the Ombudsman ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang kanilang desisyon na nagtatanggal sa puwesto kay Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, matapos mapatunayang guilty sa ilegal na paggamit ng kanyang pork barrel noong siya congressman pa.
Bukod sa pagpapatanggal bilang gobernador, kasama rin sa November 14, 2016 decision na pirmado ni Graft Investigator and Prosecutor Karla Maria Barrios ang perpetual disqualification o pagbabawal kina Umali at Renato Manantan na makahawak ng posisyon sa gobyerno habambuhay.
Ipinakakansela rin ng Ombudsman ang lahat ng benepisyo at retirement pay nina Umali at Manantan kaugnay ng paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-graft and Corrupt Practices Act.
Si Manantan ay executive director ng Department of Agriculture sa Region 3 samantala si Umali ay congressman ng third district ng Nueva Ecija nang mangyari ang iniaakusang krimen.
Aabot sa 7,920 botelya ng liquid fertilizer ang binili sa halagang P1,500 bawat bote pero napatunayan sa imbestigasyon na P150 lamang pala ang presyo nito kada isa.
Inaasahan na rin ng Ombudsman na kakanselahin ng Comelec ang certificate of candidacy ni Umali noong May 2019 dahil wala itong bisa sa simula’t simula dahil sa naging desisyon anti-graft investigator.