UMABOT sa 49 inmates sa Navotas City Jail ang mapalad na nakakuha ng diploma sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) na ang 15 sa kanila ay nagtapos sa elementarya at 34 ang nagtapos sa high school.
Sa talumpati ni Mayor Toby Tiangco sa harap ng inmates, kanyang hinikayat ang mga nagsipagtapos na ipagpatuloy ang magandang gawain at magsikap na matuto ng bagong kasa-nayan.
“Iwasan ninyong ma-sangkot sa droga at iba pang masasamang aktibidad. Gawin ninyong produktibo at makabuluhan ang panahong inilalagi ninyo rito,” payo niya.
“Mag-aral kayo ng bagong kasanayan at paghandaan ninyo ang inyong paglaya. Sa araw na iyon, dapat handa na kayong gumawa ng bago at mas magandang buhay para sa inyong sarili at sa inyong pamilya,” dagdag niya.
Ani Tiangco, kapag nakalaya na sila, maaari silang kumuha ng mga libreng training sa Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute o mag-aral sa Navotas Polytechnic College.
Ang NAVOTAAS Institute ay naghahandog ng mga kursong tulad ng Food and Beverage Services NC II, Cookery NC II, Barista NC II, Hilot (Wellness Massage), at Massage Therapy NC II. Kasama rin dito ang Contact Center Services NC II, Housekeeping NC II, Bread and Pastry Production NC II, Beauty Care NC II, Hairdressing NC II, Shielded Metal Arc Welding NC II, at iba pa.
Samantala, libreng edukasyon ang handog ng Navotas Polytechnic Co-llege sa mga Navoteño na gustong magkaroon ng bachelor’s degree.
“Libreng mag-aral. Sulitin ninyo ang mga programa o proyektong maihahandog ng ating lungsod sa inyo,” hikayat ng alkalde. Kasama sa mga dumalo sa graduation ceremony sina Navotas City Jail warden JCInsp. Atty. Ricky Heart Pegalan at OIC-Schools Division Superintendent Dr. Meliton Zurbano.
(Rommel Sales)