PINAHIRAN ng kulangot sa mukha ng Taiwanese ang isang Japanese dahilan upang mauwi sa bangayan at rambolan ang magkabilang grupo sa loob ng isang bar sa Ermita, Maynila.
Ayon sa ulat, ang magkakaanak na sina Shisaku Fujita, negosyante; Kieth Ravina, 27; at Louigie Villanueva, 22, ay dinala sa tanggapan ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) para imbestigahan sa nangyaring kaguluhan.
Binitbit din sina Chun Yi Shen, 30; Po Yu Lin, 35; Chen Chang Wu, 30; at Wen Yu Chang, 35, habang nakatakas ang tatlo pa nilang kasama na kapwa nila Taiwanese national.
Nauna rito, kapwa nag-iinuman sa magkabilang mesa ang grupo ng Taiwanese at Japanese nationals sa Capricorn bar sa Ermita, Maynila dakong 4:00 am.
Nauna na umanong nagkainitan ang magkabilang grupo dahil sa ginagawang pagdaan-daan ng mga suspek sa kasama nilang babae.
Hanggang sundan ng suspek si Fujita sa comfort room at doon siya pinahiran ng kulangot sa mukha.
Nasundan ito ng bangayan sa pagitan ni Fugita at ng Taiwanese hanggang magbatuhan ng bote at nauwi sa rambol.
Mabilis na nakatawag ng pulis at kapwa binitbit ang mga sangkot.
HATAW News Team