“I WILL definitely not be running for vice president moreso, as president in 2022 and that is final.”
Ito ang matatatag na paninindigan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kahapon bilang pagtanggi sa mga panawagan na siya ay tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Sa isang panayam kay Moreno, sinabi niyang hindi pa aniya nag-iinit ang puwet niya bilang Mayor ng Maynila at wala pa sa katiting ang kaniyang mga nagawa.
Seryoso at napakalaki ng problemang iniwan ng nakaraang administrasyon at ito aniya ang kaniyang pagtutuunan ng pansin.
Ayon kay Moreno, hindi sapat ang tatlong taon upang ayusin ang problema sa Maynila. Kailangan din aniyang tuparin niya ang pangako na binitawan niya sa mga taga-Maynila at mahabang panahon ang gugugulin upang maisakatuparan ito.
Malaki ang pasasalamat ni Moreno sa mga tao na nagtitiwala at naniniwala sa kanya na kalipikado siya sa mas mataas pang posisyon gaya ng bise presidente at presidente, gayonman nanindigan si Moreno na tatapusin niya ang termino bilang mayor ng Maynila hanggang 2022 at pinal na aniya ang desisyong ito.
“It’s not gonna happen. Nagsasalita na ‘ko nang tapos. Kaya ‘yung mga nagpu-push na tumakbo akong President or Vice President, tigilan n’yo na ‘yan. Mabuti pa, tumulong na lang kayo sa ating pamahalaang-lungsod kung paano natin maibabangon ang Maynila mula sa matinding pagkakalugmok nito,” ayon kay Mayor Isko.
Binigyang diin ni Moreno, malaki ang utang na loob niya sa mga taga-Maynila dahil sa kanyang overwhelming victory noong nakaraang eleksiyon. Aniya, nais niyang gugulin ang lahat ng panahon upang mapabuti ang kalagayan ng lahat ng taga-Maynila.
“Mahal ko ang Maynila at ang mga Manileño na nagluklok sa akin upang pamunuan ang lungsod kaya’t hinding-hindi ko sila iiwan at bibiguin,” pagtitiyak ni Moreno.