ISANG supplier ng gulay mula sa Benguet ang pinuri nang kanyang isauli ang isang bag na naglalaman ng P2.7 milyon sa isang babaeng nakaiwan nito sa isang fast food restaurant sa lungsod ng Laoag.
Sa panayam sa telepono noong Lunes, 12 Agosto, ikinuwento ng 37-anyos na si Alice Baguitan na kumakain siya sa isang restawran sa Laoag noong nakaraang Miyerkoles nang mapansin niya ang isang bag na naiwan ng dalawang babaeng customer.
Inakala umano ni Baguitan na baon ang laman ng simpleng bag ngunit nakita niyang pera pala ang nasa loob nito nang buksan niya ang zipper.
Residente ng La Trinidad, Benguet si Baguitan at nasa Laoag noong araw na iyon dahil nag-deliver ng mga gulay sa kaniyang mga kustomer sa palengke.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ng pinsan ni Baguitan na si P/SMSgt. Joan Alipio ng Ilocos Norte Police Provincial Office, una niyang naisip na ireport ang insidente sa pulisya nang makita niyang puno ng salapi ang bag ngunit naalala niyang sinabi ng isang babae na patungo sila sa estasyon ng bus.
Agad nagpunta si Baguitan sakay ng traysikel sa Partas Transportation Terminal at nakita niya roon ang babaeng nakaiwan ng bag na may kausap sa telepono at mukhang balisa.
Nilapitan ni Baguitan ang babae at tinanong kung may hinanahanap siya at sinabing siya ang katabi nila kanina sa kainan.
Nang ipakita niya ang bag sa babae, agad niyang niyakap si Baguitan at inalok ng salapi bilang pabuya sa kaniyang katapatan.
Hindi ito tinanggap ni Baguitan dahil naniniwala umano siya na bilang Kristiyano mas malaki at mas maganda ang ibibigay na biyaya ng Diyos sa kaniya.
Ayon naman kay Alipio, bibiyahe ang babae patungong Maynila upang bisitahin ang isang kaanak na nasa St. Lukes Hospital na kanilang ilalabas at dadalhin sa ibang bansa.
Nagpadala ng mensahe sa text ang babae kay Alipio upang papurihan ang katapatan ng kaniyang pinsang si Baguitan.
“Madam, kamag-anak n’yo pala ‘y0ng taga-Baguio na nagbalik ng napulot niyang bag na may lamang P2.7 mily0n n0ong Wednesday. IGOROTS ay trustworthy,” anang babae sa kaniyang mensahe kay Alipio.