NAMATAY ang isang 76-anyos lola nang matabunan ng gumuhong lupa at mga bato sa naganap na landslide sa bayan ng Baguias, sa lalawigan ng Benguet, dahil sa malakas na ulan nitong Linggo ng gabi, 11 Agosto.
Natagpuan ng mga rescuer na agad nagtungo sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang kinilalang si Gloria Matias, wala nang buhay at si Rolando Matias Rafael, 10 anyos, na lubha namang nasaktan.
Nabatid na natutulog ang dalawa nang biglang naguhuan ng mga lupa at bato ang kanilang bahay dakong 10:00 pm.
Halos isang linggong nakaranas ng malakas na ulan ang lalawigan ng Benguet kabilang ang lungsod ng Baguio dahil sa bagyong Hanna.
Samantala, pitong pamilya ang inilikas mula sa bayan ng Bokod sanhi ng isa pang landslide.
Nananatiling sarado ang Kennon Road, kabilang ang mga bahagi ng Gakian at Towadan sa Acop-Kapangan-Kibungan-Bakun Road.
Patuloy na nagsasagawa ng clearing operations upang buksan ang Mankayan Cervantes road na nananatiling sarado ang bahagi nito sa Colalo.
Sa Halsema Highway, isang lane lamang ang maaaring daanan sa mga bahagi ng Colliding at Pakpakitan sa bayan ng Buguias.
Inaasahang matatapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matanggal ang mga debris sa kalsada.
Kasalukuyang tinatapalan ang mga lumubog na bahagi ng kalsada sa bayan ng Kapangan.