KOMPIRMADONG ipinagbabawal na gamot na ‘ecstasy’ ang nasabat mula sa anak ng administrator ng lungsod ng Tagbilaran, sa lalawigan ng Bohol.
Ayon kay Atty. Rennan Augustus Oliva, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bohol, apat sa pitong tabletang nakompiska mula sa suspek na kinilalang si Eric John Borja sa buy bust operation ay nagpositibong ilegal na droga.
Ayon sa pagsusuring isinagawa ng NBI Forensic Chemistry Section sa lungsod ng Cebu City noong Linggo, 11 Agosto, dalawang buong tabletang kulay rosas at isang durog na tabletang kulay rosas ang nagpositibo sa brolamfetamine (DOB), isang mapanganib na uri ng ipinagbabawal na gamot. Samantala, dalawalang durog na tabletang kulay asul ang nagpositbo naman sa 3, 4 -Methylenedioxymethamphetamine (MDM), o mas kilala sa tawag na ‘ecstasy.’
Dagdag ni Oliva, parehong itinuturing na psychedelic substances ang DOB at MDM.
Kabilang sa mga epekto ng mga kemikal na DOB at MDM ay pagtaas ng enerhiya, sobrang tuwa, at pagkasira ng persepsiyon sa oras at pandamdam.
Inaresto ng NBI at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Bohol si Borja, anak ni Tagbilaran City administrator Eddie Borja, sa loob ng isang hotel noong Sabado, 10 Agosto.
Ayon kay Oliva, ibinebenta ang party drugs, kabilang ang ecstasy tablets, sa mga concert, disco, at mga party.
Limitado umano ang suplay ng ecstacy dahil hindi ito kasing mura ng shabu at nagkakahalaga ng P1,500 hanggang P3,000 kada tablet.
Nananatiling pagsubok ang paghuli sa mga supplier at dealer ng party drugs dahil hindi sila nakikipagtransaksiyon sa mga estranghero sa takot na sila ay mga undercover anti-narcotics agents.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang NBI upang matukoy ang supplier ni Borja.