NATAGPUAN ng isang lokal na mangingisda ang higit sa P51 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa karagatan ng bayan ng Biri, sa lalawigan ng Northern Samar nitong Sabado, 10 Agosto.
Nakita umano ng mangingisda habang naglalayag ang mga plastic bag na naglalaman ng puting ‘crystalline substance’ na hinihinalang shabu.
Ayon kay P/Brig. Gen. Dionardo Carlos, direktor ng Eastern Visayas regional police, agad isinuko ng mangingisda sa mga awtoridad ang natagpuang droga.
Nabatid na nakita ng mangingisda ang tatlong plastic bag sa karagatan ng ng Sitio Pagul sa Barangay Pio del Pilar, sa naturang bayan na ang dalawa ay selyado at tumitimbang ng dalawang kilo bawat isa, habang ang ikaapat na plastic bag ay bukas na at tumitimbang ng 1.5 kilo.
Tinatayang ang halaga ng kabuuang 7.5 kilo ng hinihinalang shabu ay aabot sa P51 milyon.
Ipinadala na ang sample ng hinihinalang shabu sa Crime Laboratory upang matukoy kung totoong shabu habang ang iba ay nasa pag-iingat ng mga awtoridad bilang ebidensiya.
Unang pagkakataon itong may makuhang shabu sa coastal area ng lalawigan ng Northern Samar.
Naitalang simula noong Pebrero nang nakaraang taon, ilang bloke ng cocaine ang natagpuang nakalutang sa mga karagatan ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Pinaniniwalaang bahagi ang mga cocaine sa kargamentong dadalhin sana sa bansang Australian.
Ayon kay Carlos, nagsasagawa na sila ng pagsisiyasat upang matukoy ang pinagmulan ng shabu na natagpuan sa Northern Samar.