SINALAKAY ng Bureau of Customs-Intelligence Group (BoC-IG) ang ilang establisimiyento sa Binondo, Maynila na nagtitinda ng pinaniniwalaang puslit na electronic products.
Bitbit ang Letter of Authority (LOA) No. 07-31-152-2019, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng BoC Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Intellectual Property Rights Division (IPRD), Armed Forces of the Philippines Joint Task Force (AFPJTF) – National Capital Region (NCR) at Philippine Coast Guard (PCG), nasamsam ang electronic devices gaya ng Apple iPhones, iPads, Mi Brand at Samsung devices.
Ang pagpapalabas ng LOA ay alinsunod sa Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Nag-ugat ang operasyon sa nakalap na impormasyon mula sa mahigit isang buwan pagmamatyag at survellaince na isinagawa ng BoC-IG.
Binigyan hanggang 14 Agosto 2019 ang mga may-ari ng establisimiyento na makapagpresenta ng ebidensiya ng pagbabayad ng buwis sa mga imported goods na kanilang ibinibenta.
Nadiskubre rin sa pagsalakay ang 15 undocumented Chinese nationals na ini-turnover sa Bureau of Immigration (BI) para sa documentation at processing.
Ayon sa BI, nagtatrabaho ang mga dayuhan sa bansa na walang permit at pawang mga turista.