MAHIGIT sa P1.3 milyong halaga ng shabu ang nakompiska habang anim ang arestado sa magkahiwalay na buy bust operations sa Caloocan City kamakalawa.
Dakong 5:00 pm kamakalawa nang isagawa ang unang operasyon sa isang bahay sa Interior 6, Brgy. 33, Maypajo na naaresto sina Kevin Gacer, 20; at Rica Mariano,31.
Gamit ang P1,000 marked money, nakipagtransaksiyon ang poseur-buyer sa mga suspek at nakakuha ng dalawang sachet ng shabu.
Agad dinamba ang dalawa at nakompiska ang dalawang sachet ng shabu, marked money at 98 gramo ng shabu na nakalagay sa plastic ng yelo na may tinatayang halagang P 667,000.
Dakong 6:30 pm nang isagawa ang ikalawang operasyon sa Kapak St., Brgy. 12, Caloocan City, na nadakip ang mga target ng operasyon na sina Mylene Torres, alyas Biday, 43 anyos; at Jerry Camposano, alyas Jervy, 45, matapos bentahan ng isang sachet ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P1000 buy bust money.
Nakuha kay Biday ang marked money at ang ibebentang shabu sa pulis habang nakompiska kay Jervy ang isang plastic na naglalaman ng shabu.
Sa nasabing operasyon, nadkip din sina Jinalyn Viogela, 27 anyos na nakuhaan ng isang plastic na naglalaman ng shabu; at Marvin Vergel, 26, na nakuhaan din ng isang plastic ng shabu.
Kabuuang 92 gramo ng shabu na may tinatayang halagang P625,600 ang nakuha sa nasabing operasyon.
Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga dinakip.
(ROMMEL SALES)