PINAGBIBITIW ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang public health workers na nagsusungit sa mga pasyente matapos makatanggap ng ilang reklamo.
Sa report niya sa “The Capital Report” nitong 2 Agosto, sinabi ni Moreno, marami na siyang natatanggap na reklamo laban sa frontliners sa health centers.
“Kung hindi na kayo masaya sa trabaho n’yo dahil kayo’y masungit na kinakaharap ‘yung mga may sakit, kaya kayo’y nagsusungit dahil pagod na kayo, kaya kayo’y nagsusungit dahil ‘di na kayo masaya sa ginagawa n’yo, pwede naman kayong magpaalam,” ani Moreno.
Iginiit ni Moreno, mahirap maging mahirap, at masakit sa mahihirap na pasyente na pakiharapan ng mga taong inaakala nilang makatutulong sa kanila pero nagsusungit sa kanila.
Malaking bagay ang bawat ngiti at asikaso ng health workers upang maibsan ang kanilang nararamdamang sakit.
Alam din daw ng alkalde ang hirap ng health workers sa mga pampublikong ospital. Pero binigyang-diin na ito ay sinumpaang tungkulin.
“Totoong nakapapagod, Diyos ko nakapapagod… pero pinasok natin ito. This is public service e. Ano ba naman ang kaunting ngiti?” dagdag ng alkalde.
Samantala, sa tulong ng vice mayor na si Vice Mayor Honey Lacuna, inirekomenda nila ang P9.5 milyong pondo para sa ilang ospital ng Maynila.
“[Ito ay] pera ng taong bayan upang ipambili ng (pang) karagdagang gamot at supplies sa lahat ng ospital natin… so, sa ating mga direktor… I hope magamit n’yo para sa pangangailangan ng ating mahihirap na kababayan,” ani Moreno.