NABALING ang atensiyon ng ilang kritiko at mambabatas kaugnay sa inihaing reklamo ni human rights lawyer Rico Domingo laban sa kabibitiw na presidente ng United Coconut Planters Bank (UCPB) na si Higinio Macadaeg Jr.
Nagsampa kamakailan ng kasong graft and misconduct ang RC Brickwoods Corp., (RC) sa Office of the Ombudsman laban kay Macadaeg at ilang opisyal ng UCPB na pag-aari ng gobyerno dahil sa maanomalyang pagbili sa isang ‘disputed building’ na AM Flores building sa Makati City.
Napapabalita rin sa ilang malapit sa Pangulo na ang pagre-resign ni Macadaeg ay forced resignation dahil sa pagkakabuking ng Pangulo sa maaanomalyang transaksiyon sa ilalim ng pamamahala ni Macadaeg.
Si Macadaeg na nagsumite kamakailan ng resignation sa Pangulo sa pamamagitan ng sulat kamay ay napabalita na pumabor sa isang kaibigan sa pagbebenta ng foreclosed properties na ipinagbabawal ng saligang batas.
Dahil dito, nais ni Domingo gayondin ng ilang mambabatas na mabusisi at maimbestigahan si Macadaeg sa lalong madaling panahon upang mapatawan ng parusa kung mapapatunayang lumabag at nagkasala.