UMABOT sa mahigit 130,000 kaso ng dengue sa bansa hanggang sa kalagitnaan ng Hulyo ayon sa Department of Health (DOH).
Sa panayam ng media kay Health Undersecretary Eric Domingo araw ng Miyerkoles, sinabi nitong patuloy na dumarami ang kaso ng dengue sa bansa sa kabila ng activation ng regional health clusters ng NDRRMC.
Ang higit 130,000 kaso ng sakit mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hulyo ay halos doble na ng naitalang bilang sa kaparehong panahon noong 2018.
Ilan sa mga rehiyon ay naabot na ang epidemic levels tulad ng Calabarzon at Mimaropa.
Mas mababa ang kaso sa ilang rehiyon kompara noong 2018 sa Regions 1, 2, 3 at National Capital Region.
Dahil dito, sinabi ni Domingo na mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Pupulungin ngayon araw ng Biyernes sa Maynila ang lahat ng health regional directors para sa updates hinggil sa dengue at para malaman kung kinakailangan ng additional supplies para sa sakit.
Samantala, sinabi ni Domingo, ilan sa mga pasyente sa mga kalapit lalawigan ay dinadala na sa Maynila.
Sa ngayon aniya ay may ilang pasyente sa San Lazaro Hospital mula sa mga lalawigan ngunit kaya pa aniyang i-accommodate ng ospital.
Tiniyak ng health official na sapat ang suplay ng dugo at kaunti lang ang kaso na kinakailangan ang blood transfusion. Sinabi ni Domingo, hindi lang sa Filipinas nararanasan ang pagtaas ng kaso ng dengue kundi maging sa ibang bansa at tinutugunan na rin ito ng World Health Organization (WHO).