LALO pang lumalakas ang tiwala ng taong-bayan kay Vice President Leni Robredo.
Ayon sa survey ng Pulse Asia, tumaas ng 11% ang tiwala ng mga Filipino sa Bise Presidente, mula Abril hanggang Hunyo nitong taon. Ayon naman sa Makati Business Club, lumundag sa 75% ang satisfaction rating ni VP Leni sa kanilang pinakabagong survey.
Nakita sa Pulse Asia survey na nagmula ang dagdag puntos sa mga “undecided,” o iyong mga hindi pa lubusang sumusuporta noon kay VP Leni—isang pagpapatunay na kinikilala ng taong-bayan ang kaniyang pagtupad sa pangakong tumulong sa mga nangangailangan.
Patok din si VP Leni sa mga may-ari ng malalaking negosyo sa Filipinas. Ayon sa Makati Business Club (MBC) Executive Outlook Survey na inilabas kamakailan, nakatanggap ang OVP ng 75% satisfaction rating, mula sa 100 business executives na kumakatawan sa 100 kompanya sa Filipinas.
Malaking lundag ito mula sa 11.9% nakuha ng opisina ni VP Leni sa huling outlook survey, na isinagawa noong 2015.
Dahil dito, itinuturing ang opisina ni VP Leni na ika-14 sa pinakamagaling na ahensiya ng pamahalaan, mula sa 69 national government agencies na kasama sa survey.
Sa simula pa lamang ng kaniyang termino, sinikap ng OVP na magkaroon ng magandang ugnayan sa pribadong sektor, na malaking bahagi ng programa nitong Angat Buhay.
Sa tulong at suporta ng private partners, kabilang na ang mga kompanya at negosyo sa bansa, nakapagbigay nang halos P350 milyong halaga ng tulong ang OVP sa halos 400,000 Filipino sa 193 lugar sa Filipinas.
Lubos ang pasasalamat ng OVP sa magagandang reaksiyon na natatanggap nito at ni VP Leni Robredo sa gitna ng kaliwa’t kanang intriga at panggigipit.