LABIS ang pagpapasalamat ni Congressman Francisco Datol, Jr., kinatawan ng Senior Citizen Party-list at pangunahing may akda ng Republic Act No. 11350 o National Senior Citizen Commission (NSCC) makaraang lagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap na batas.
Ang pagkakatatag ng NSCC ay buong-pusong ipinaglaban at isinulong ni Datol sa Kongreso upang mabigyan ng sariling tahanan na kakalinga sa kapakanan ng mga nakakatanda.
Ngayong isa nang ganap na batas ang NSCC, inaasahang matutukan na nang maayos ang pagbibigay ng mga karampatang benepisyo ang lahat ng nakakatanda sa buong bansa na malaya at walang halong politika.
Ayon kay Datol, ang nasabing Commission ay pamamahalaan ng isang Chairman at anim na Commissioner na pipiliin mula sa hanay ng senior citizens organizations sa buong kapuluan.
Inilinaw din niya na isasalin ng Department of Social Welfare and Development sa itatayong National Senior Citizen Commission (NSCC) ang pagbibigay ng pensiyon sa lahat ng nakatatanda at tulong sa pagpapalibing.
Ang NSCC na rin ang magtatalaga ng lahat ng mga opisyal ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) sa buong bansa kapag lumabas na ang implementing rules and regulations (IRR) hingggil sa komisyon.
“Sinisiguro ko sa inyo na magkaroon ng wastong representasyon ang Luzon, Visayas at Mindanao upang ang lahat ng benepisyo ay makarating sa mga nakatatanda sa buong kapuluan,” diin ni Datol.
Nagpasalamat din si Datol kina Senate President Vicente Sotto III at dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo dahil sa kanilang malasakit para sa lahat na nakatatanda ay naging bahagi sa matagumpay na pagsasabatas ng NSCC.
“Nagpapasalamat din ako sa buhay na alamat ng mga senior citizen na si Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi niya ipinagkait ang tunay na diwa at pagkalinga sa mga nakatatandang Filipino sa pagpirma nito upang maging ganap na batas ang NSCC,” ani Datol. “Sa pagkakatatag ng National Senior Citizen Commission ay maituturing na ang gobyerno ng Filipinas ay tunay na tumalima at kumikilala sa lahat ng mga naiaambag ng mga nakatatanda sa pagbuo at pagtayo ng isang matatag na bansa na siyang naghahanda sa pagprotekta sa kapakanan at kinabukasan ng mga kabataan.”