CEBU CITY — Isang abogado ang pinaslang, habang ang kanyang misis ay sugatan nang sila ay tambangan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa Sitio Looc, Barangay Poblacion, Guihulngan City, Negros Oriental, pasado 2:00 pm, kahapon, 23 Hulyo.
Sa ulat sinabing minamaneho ng abogadong si Anthony Trinidad, 53, ang kanyang puting sports utility vehicle (SUV ) na Subaro, nang biglang umarangkada ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki na ang isa ay armado, ayon kay P/Lt. Col. Bonifacio Tecson, hepe ng Guihulngan police station.
Bumunot umano ng baril ang angkas ng motorsiklo saka pinaputukan si Trinidad at ang asawang si Novie Marie.
Nawalan ng kontrol sa sasakayan si Trinidad kaya nabangga niya ang trisikad na napinsala ang driver.
Agad itinakbo ang mga biktima sa Guihulngan District Hospital ngunit Trinidad ay idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Ang asawa ni Trinidad ay inilipat sa Dumaguete City, ang kapitolyo ng Negros Oriental.
Narekober sa crime scene ang pitong basyo at dalawang slugs ng kalibre .45 baril.
Ayon kay Tecson, nag-imbestiga sila para kilalanin ang mga suspek ganoon din ang motibo sa pamamaslang.
“There’s a possibility that this has something to do with the cases he handled,” ani Tecson sa ilang mamamahayag.
Aniya, nauna nang sinabi ni Trinidad may natatanggap siyang death threats.
“He requested us to give him police escorts whenever he had hearings in Guihulngan. And we did give him escorts because we found the threats to be valid,” paliwanag ni Tecson.
Sinabi ni Tecson na gusto nilang malaman kung bakit nasa Guihulngan ang abogado kahapon.
Nais din umano nilang palalimin ang imbestigasyon para alamin kung sino ang mga galit kay Trinidad o kung mayroon siyang mga kaaway.
Samantala, humiling ng pang-unawa ang pamilya ng biktima, sa kanilang pansamantalang pananahimik.
Sa social media post ng kapatid ng pinaslang na biktima na dating mamamahayag na si Andrea Trinidad, sinabi niyang, “I am posting this here and please forgive me if I don’t reply to your calls and messages. I am as devastated as the rest of our family. Please allow us to grieve for the moment. My brother, Anthony, is the most kind-hearted person I know. It’s hard to fathom why this happened.”