SUPORTADO ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang naging pahayag ni Buhay Party-list Rep. at dating mayor Lito Atienza na bawiin at imbestigahan ang pagkawala ng tinaguriang kayamanan ng lungsod — ang mural na ipininta ng National Artist na si Botong Franciso.
Ayon kay Moreno, dapat isauli ng National Commission for Certifying Agencies (NCCA) ang naturang mural na isang mahalagang bahagi ng pagiging Manileño.
Tiniyak ng alkalde, hindi naibenta ang naturang mural dahil ito aniya ay priceless na kayamanan ng lungsod.
Pabiro pang sinabi ni Isko na poposasan niya ang sino mang dating mayor ng Maynila na nagbenta ng naturang mural.
Binigyang-diin din ng punong lungsod na unfair para sa bawat Manileño ang hindi pagbabalik ng nasabing obra ni Botong.
Matatandaang ini-turnover ang naturang mural noon sa NCCA para i-rehabilitate at nakatakdang ibalik noong panahon ni dating Mayor Erap Estrada, ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin natatanggap ng pamahalaang lungsod.