ISINUSULONG ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagkakaroon ng 24-oras emergency hotline upang mabigyan ng mabilisang ayuda ang sinomang nangangailangan ng tulong-medikal sa panahon ng emergency.
Sa pamamagitan ng Senate Bill 394 o Emergency Medical Services System Act of 2019, target ni Go na matiyak na magiging mabilis, maayos at maaasahan ang serbisyo ng gobyerno pagdating sa oras ng sakuna at iba pang medical emergencies.
Sinabi ni Senador Go, bagamat may kasalukuyang 911 hotline na natatawagan ang ating mga kababayan sa panahon ng emergency, mas mapapalakas pa ng kanyang inihaing panukalang batas ang pagresponde sa panahon ng pangangailangan gayong mai- institutionalize nito ang mas komprehensibong Emergency Medical Services System.
Itinatakda sa ilalim ng panukalang batas na obligado ang bawat LGU na magkaroon ng kanyang emergency medical service system at dispatch center na konektado sa National Command Center.
Magbubukas din aniya ang naturang bill ng plantilla position para sa EMS personnel na itatalaga sa lahat ng government hospitals at health facilities.
(ROSE NOVENARIO)