MINALIIT ng Malacañang ang mga posibleng epekto kapag pinutol ng Filipinas ang pakikipag-ugnayan sa Iceland na maghain ng resolution na nananawagn sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Kinuwestiyon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang umiiral na relasyon ng Filipinas sa Iceland para indahin ng bansa ang pagputol ng ugnayan sa Nordic island nation na ipinanawagan ni Sen. Imee Marcos.
“How will it affect us? Ano bang relasyon natin sa Iceland in the first place. Halos wala naman tayong…ni wala tayong embassy roon, ni walang ano sila rito e,” ani Panelo.
Ipinauubaya ni Panelo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasya sa magiging kapalaran ng ugnayang Filipinas-Iceland.
Para kay international law expert at human rights lawyer Harry Roque walang dapat ipagdiwang ang mga kritiko ng administrasyong Duterte dahil nakasaad lamang sa UNHRC resolution ang panawagan na magsumite ng kompletong report sa mga patayan sa Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)