DESMAYADO at nangangamba ang isang information technology (IT) expert sa pagnanais ng tinawag niyang palyadong IT company na makopo ang supplies ng kagamitan para sa plano ng gobyernong national ID system.
Ayon kay IT expert Rafael R. Gutierrez, representante sa bansa ng isang US web security at cloud-based solutions na kompanya, malaki ang mawawala at masasayang na pera ng bayan kapag napili ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Gemalto Philippines.
Ang Gemalto ay nasa ilalim ng subsidiya ng Gemalto NV, at nagbabalak na maging primary supplier para sa national ID system sa bansa.
“Awarding Gemalto the national ID contract will just be repeating the technical failures wrought upon the Comelec last May,” wika ni Gutierrez.
Aniya, ang Gemalto ang may hawak ng ID system ng voting machines at ng mga botante sa nagdaang eleksiyon.
Sinabi ni Gutierrez, nakakuha siya ng kopya ng IT performance report ng Commission on Elections (Comelec) na ibinigay sa kanya ng isang kaibigan mula sa IT department ng Comelec.
Ang ulat na ito ay may pamagat na “Data on the Utilization of Voters Registration Verification Machines (VRVMs) relative to May 2019 National and Local Elections.”
Nabigla umano si Gutierrez sa nakita niyang ulat dahil nakasaad ang mataas na salto o high failure rates ng smartcard o password sa pag-log in ng mga voting machines.
“Users were not able to login using their smartcard or password. This points to the poor quality of the supplier’s smartcards and smartcard readers,” saad ng IT expert.
Ibinulgar din ng IT executive ang “distressingly failed” performance ng Gemalto sa kanilang teknolohiya ng identification at verification ng mga botante noong nadgaang botohan at maaari itong mangyari sa susunod na magiging biktimang proyekto nito na sa pagkakataong ito ay PSA para sa National ID system.
“Last May, in Caloocan City, 607 out of 841 VRVMs, or 72.18 percent, were not utilized or did not function. In Quezon City, 940 out of 1,487 or 63.21 percent of VRVMS were not utilized or did not function. Region VI was particularly bad. In Iloilo, 2,215 of 2,572 VRVMs or 86.12 percent were not utilized, while in Negros Occidental, 1,944 out of 2,353 or 82.62 percent were not utilized. Nationwide, the percentage of VRVMs that were not utilized or did not function was 68.14 percent, because out of a total of 27,747 VRVMs, 18,906 were not utilized or did not function,” paliwanag ni Gutierrez.
“In Cotabato the utilization rate was even zero percent. Of the machines working, most complaints were raised because of ‘no contingency,” dagdag ng IT expert.
Ang kadalasang problema na nagaganap ay “user cannot be found” error, automatic shutdown, smartcard not functioning, tap card not working, “user cannot log in” error, o defective fingerprint scanner, saad ng Comelec sa kanilang ulat.
Matatandaan, ang PSA ay naging katuwang ng Comelec sa pagsagawa ng Random Manual Audit (RAM), upang madetermina kung ang automated count ng Vote Counting Machines (VCMs) ay tama o accurate, base sa manual verification count.
Ang corporate consortium ng Nextix at Gemalto ang lumabas na lowest bidders para sa national ID system sa halagang P1,188,888,000 noong May 29, 2019.
Ang bidding sa ngayon ay nasa post qualification stage na ang ahensiya na nag-e-evaluate ng mga bid ay nag-e-examine ng financial at technical capabilities ng qualified bidders.
Ang second lowest bidder ay joint venture ng Dermalog at Microgenesis sa halagang P1,277,942,614.16, samantala ang highest bidder ay grupo ng Iwave, IRIS Corporation at Global Myoho Renge Copy Inc., na nag-bid ng P1,368,000,888.
Ang isa pang kompanya, Filmetrics, ay idineklarang hindi eligible.
Sinabi ni PSA head Lisa Grace Bersales, sisimulan na ang pag-enrol sa system ng mga citizen na bago pa lamang magkakaroon ng government-issued ID, kasama rito ang mahihirap na benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), indigenous people, persons with disabilities, at senior citizens.
Magugunitang pinirmahan na ni President Rodrigo Duterte ang Republic Act 11055 na mag-e-establish ng Philippine Identification System (PhilSys) noong 5 Agosto 2018.
Sa ilalim ng batas, ang Filipino citizens at foreign residents ng Filipinas ay required na magrehistro ng demographic at biometric information nila sa bagong ID system.
Sinabi ni Gutierrez, sa kabila ng kapalpakan sa VRVMs noong mid-term elections, na ini-award ng Comelec sa Gemalto ang P987,146,922 project, ang nasayang na public funds sa nagdaang 2007 elections sa ilalim ni Comelec Chairman Benjamin Abalos ay sariwa pa rin sa isipan ng publiko.
Ipinawalang bisa ng Supreme Court ang purchase contract para sa P1.3-bilyong halaga ng vote-counting machines na iginawad ni Abalos sa MegaPacific Consortium dahil sa violation ng bidding rules and procedures.
“The taxpayers have been fooled once,” diin ni Gutierrez. “Let’s not be fooled once more!”