ISANG lalaki na hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang inaresto sa isinagawang anti-criminality campaign ng mga pulis sa Caloocan city, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Noel Flores ang naarestong suspek na si Gamal Guitum, 41 anyos, may-asawa, residente sa Phase 12, Riverside, Brgy. 188, Tala.
Ayon kay Flores, dakong 1:00 pm nang magsagawa ng anti-criminality campaign ang pinagsamang tauhan ng SWAT at SIB North sa pangunguna ni P/Lt. Col. Crisanto Lleva kontra sa lahat ng uri ng ilegal na aktibidad sa Phase 12, Brgy. 188, Tala matapos ang natanggap na ulat hinggil sa madalas na pagpupulong ng armadong kalalakihan.
Gayonman, nang komprontahin ng mga pulis ang isang grupo ng kalalakihan ay nagtakbuhan sa magkakahiwalay na direksiyon na naging dahilan upang magkaroon ng habulan hanggang isang lalaki ang napansin nagpapalit ng damit at may nakasukbit na baril sa kanyang baywang.
Nang beripikahin, walang naipakitang mga kaukulang dokumento sa kanyang baril ang suspek na naging dahilan upang arestohin at narekober sa kanya ang isang cal. 45 pistol kargado ng magazine may kasamang pitong bala. Nakuha sa loob ng bulsa ang pito pang bala, kasama ang ilang identification cards kabilang ang MILF ID kaya’t dinala ang suspek sa SIU-NEO para sa imbestigasyon at proper disposition. (ROMMEL SALES)