HINDI awtorisado ni Presidente Rodrigo Duterte ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation para patakbuhin ang 30th Southeast Asian Games (SEA Games).
Sa isang interview sa kanya noong Huwebes, sinabi ni Duterte na hindi niya pinapayagan ang PHISGOC na kunin mula sa Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) ang pagho-host ng biennial regional multi-sport event. Hinihingi niya ang government accountability pagdating sa mga ganitong klaseng proyekto, aniya.
“I have to be responsible for this. Give (the SEA Games) to government,” ang naging tugon ni Duterte nang tanungin siya tungkol sa kung ano ang mangyayari sa agawan sa pag-host ng SEA Games.
“Government is the most interested in winning the medals. That PHISGOC Foundation only muddles up the issue. So many fingers are dipping into the hosting. It should only be government. I want just one, just the government,” pagbibigay-diin ng Presidente.
Ang SEA Games ay nakatakdang isagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa – kabilang ang New Clark City na gagawin ang athletics at swimming events – mula 30 Nobyembre hanggang 10 Disyembre ng kasalukuyang taon.
Matapos ang kaguluhan sa Marawi at pagtiyak ng gobyerno sa pagsasaayos ng lugar ilang taon na ang nakalilipas, pinayagan ng SEA Games Federation ang Filipinas na mag-host ng SEA Games sa pamamagitan ni POC President Jose “Peping” Cojuangco na siyang nagtalaga sa noo’y Department of Foreign Affairs (DFA) secretary at kasalukuyang Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano bilang pinuno ng PHISGOC.
Sa orihinal na PHISGOC, si Cayetano ang tumayong chairman habang co-chairmen niya sina PSC Chief William “Butch” Ramirez at Cojuangco.
Nang matanggal si Cojuangco bilang POC president, hinirang na bagong pinuno si Ricky Vargas na nakipag-partner kay Cayetano.
Binuo nina Vargas at Cayetano at ipinasok sa Securities and Exchange Commission ang bagong PHISGOC na wala nang representasyon ang gobyerno at naalis din si Ramirez ngunit isinama ng dalawa ang mga sarili nilang tao sa komposisyon ng foundation.
Anila, trabaho ng PHISGOC ang mangalap ng pondo mula sa pribadong sektor.
Kahit wala sa kanyang mandato bilang kalihim ng DFA, humingi si Cayetano sa gobyerno ng P7.5 bilyong pampondo sa SEA Games.
Sa aprobadong 2019 national budget, P5 bilyon ang inilaan para sa SEA Games at tamang napunta ito sa PSC.
Kahit karapatan ng PSC na gastusin ang halaga para sa sports, mariin itong kinuwestiyon ni Cayetano.
Sa kabila nito, mula siyang nanghingi ng P1 bilyon mula kay Duterte at kahit pinagbigyan siya ng Presidente, sa PSC pa rin inilagak ang pera.
Kinukuwestiyon ng executive board ng POC ang bagong buong pridadong PHISGOC ni Cayerano at sinasabi nila, hindi raw nila kailan man ito kikilalanin.