TATLONG Korean nationals ang nasakote ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos mahuli na aktong nagtitinda ng mga ilegal na sigarilyo sa Bacoor Cavite, nitong Martes.
Imported smuggled cigarettes, ang sinabi ni NBI Special Action Unit chief Emeterio Dongalio Jr. matapos iharap sa media ang tatlong Korean nationals na kinilalang sina Young Kook Kim, Jong Kook Choi, at Gee Pong Lee.
Paliwanag ni Dongalio, ang pagtaas ng tax sa mga sigarilyo ang maaaring dahilan para humanap ng ibang paraan ang mga nagtitinda gaya ng smuggling at ilegal na produksiyon.
“Walang stamps… they do not bear BIR Tax so we cam already assumed that it is smuggled,” ani Dongalio.
Ang sistema ng pagtitinda ng mga imported na sigarilyo ay isinasabay ng foreign nationals sa kanilang mga parokyanong bumibili din ng iba pang produkto sa kanilang tindahan.
Nang hingian ng panayam, nagpaunlak ang isa sa tatlong suspek na si Jong Kook Choi at sinabing hindi raw niya alam na ilegal ang kanilang pagtitinda, sa edad niyang 77 at pamamalagi sa bansa nang 18 taon.
Ipinaliwanag niyang kaya lamang siya nagtinda ay dahil mas mababa ang presyo kompara sa ibang sigarilyo.
Nasa kustodiya ng NBI ang tatlong Korean nationals na lumabag sa RA 10863 (Customs Modernization Act).
(RICA ANNE DUGAN, OJT)