IPINAG-UTOS ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay MPD director P/BGen. Vicente Danao na sibakin sa puwesto ang PCP commander ng Lawton na nakakasakop sa Bonifacio Shrine sa Ermita, Maynila.
Kasunod ito nang ginawang inspeksiyon ni Moreno sa paligid ng Bonifacio Shrine kahapon ng umaga.
Sa kanyang pag-iinspeksyon, sinabi ni Moreno na ang Shrine ay isang ‘malaking banyo’ dahil ginawang kubeta at sa kanyang pagtantiya nasa 100 tumpok ng dumi ng tao ang kanyang nakita maging sa paanan ni Gat Andres Bonifacio.
Dahil dito, agad tinawagan ni Moreno si Danao at agarang pinasisibak sa puwesto si P/Lt. Rowel Robles na kasalukuyang PCP commander sa Lawton.
Maging ang alkalde ay nakatapak din ng dumi ng tao kaya ganoon na lamang ang kanyang pagkadesmaya at pagkapikon dahil sa nakitang sitwasyon ng nasabing monument ng bayani.
Bukod sa pagsibak sa PCP commander, pinaalis na rin ang mga vendor sa lugar gayondin ang agarang paglilinis at sanitasyon sa buong Bonifacio Shrine.
Utos ng alkalde, arestohin ang mga mag-iistambay sa lugar dahil sa ginagawang pambababoy at pagkakalat.