MULING nagpasalamat si Mayor Isko Moreno sa taong-bayan at nakiusap sa mga empleyado ng Manila Cityhall na tulungan siyang ibalik ang karangalan sa paglilingkod sa bayan.
Ipinahayag ito ni Moreno sa mga empleyado ng Manila City Hall sa flag ceremony nitong Lunes ng umaga.
Aniya, tapos na ang eleksiyon kaya maaari na raw isuot ng mga empleyado ang lahat ng gusto nilang kulay.
Ayon sa Alkalde, hindi umano niya kakayanin mag-isa ang pagsasaayos ng Lungsod.
Noong isang linggo, kabi-kabila ang pagsisiwalat ni Moreno sa mga korupsiyon sa lungsod tulad ng tangkang panunuhol sa kaniya ng P5 milyon kapalit ng hindi pagpapaalis sa mga vendor sa Divisoria.
Hindi umano lingid sa kaalaman ni Moreno na mababa ang tingin ng taong-bayan sa mga empleyado ng city hall dahil nabansagan silang kurakot.
Kaya’t sa pagsasaayos ng mga katiwalian, nais niyang mawala ito.
Ipinangako ni Isko na hindi na made-delay ang suweldo ng mga empleyado at uunahin ito bago ang mga ‘kontrata.’
Mariin niyang sinabi na walang Mayor na matutulog sa Maynila dahil mayroong gobyerno ang lungsod na 24/7 na magtratrabaho para sa Manileño.
At dahil sa administrasyon ni Isko mahalaga ang lahat.
Kasamang dumalo ni Moreno ang bagong halal na Vice Mayor ng Maynila na si Honey Lacuna.
Dumalo sa flag raising ceremony ang lahat ng empleyado ng City Hall pati ang mga pulis ng Maynila.