Sunday , December 22 2024

POC dapat nang linisin

NAPAKAGULO ngayon sa Philippine Olympic Committee (POC).

Kailangan magkaroon ng bagong halal na mga opisyal sa POC para maayos ang gusot sa organisasyon,  lalo na ngayong apat na buwan na lamang ang nalalabi bago magsimula ang Southeast Asian Games sa bansa. 

Maayos na sana ang takbo nang magpatawag ng special elections si POC chairman Bambol Tolentino para sa posisyon ng presidente ng organisasyon ng biglang nagbitiw sa tungkulin si Ricky Vargas.

Nakasaad kasi sa POC By-laws ang pagpapatawag ng special elections ng chairman. Pero imbes sumunod sa patakaran, ang kampo ni Peping Cojuangco, na kapit-tuko sa POC, ay ipinilit na si 1st vice president Joey Romasanta ang mailagay na presidente kapalit ni Vargas. 

Ang problema, hindi kalipikado si Romasanta na maging presidente saang anggulo man tingnan.

Una, vice president siya ng National Sports Association (NSA)-Volleyball. Ang kailangan ay isang presidente ng NSA na Olympic Sport at dapat ay nahalal mula sa kasalukuyang NSA presidents ng Olympic sport, at aktibong miyembro ng POC General Assembly sa dalawang magkasunod na taon sa panahon ng kanyang pagkahalal bilang presidente. 

Pero ‘di papipigil si Romasanta. Pinilit niyang iproklama ang sarili bilang presidente ng POC. Nag-isyu ng mga press statement at nagpainterbyu sa media si Romasanta na nagpakilalang ‘presidente’ daw siya ng POC. 

Noong 20 Hunyo, nagpalabas ng abiso ang POC board  na magkakaroon ng  General Assembly ang POC sa 25 Hunyo. Pero pagdating ng naturang petsa, may tumayo para kuwestiyonin ang General Assembly dahil labag daw sa POC By-laws na nakasaad na dapat ay sampung araw ang abiso para sa “extraordinary meetings” ng POC. 

Sumang-ayon si POC Chairman Tolentino kaya’t idineklara niyang invalid ang meeting pero sinabi niyang puwede naman magpatuloy bilang isang impormal na pagpupulong.

Bago matapos ang meeting ay nagkaroon ng commitment mula kina Tolentino, board members Clint Aranas, Cynthia Carrion, Auditor Junee Go, at Treasurer Julian Camacho na lahat sila ay magre-resign para makapaghalal ng bagong set of officers ng POC. 

Ang kaso, isa-isang umatras ang mga nagsabing magre-resign daw sila. Tanging sina Tolentino, Aranas at Carrion lang ang tumupad sa usapan. 

Samakatuwid, ‘yung mga nag-back out ay walang isang salita at hindi mapagkakatiwalaan. Walang kuwenta ang kanilang mga pangako. Binalewala nila ang pagkilala sa Olympic spirit na dapat ay sila pa ang nangunguna sa pagtupad. 

Habang nangyayari lahat ito, si Romasanta ay kumikilos para ayusin sa baluktot na paraan para maging kalipikado bilang POC president. Bigla na lamang siyang naging presidente umano ng NSA Volleyball at ng NSA Karate, kahit wala namang anunsiyo o nagpapatunay na totoo nga.

Pinipilit ni Romasanta na kalipikado umano siya bilang POC president, pero ‘di niya maipa­liwanag kung paano. 

May isa siyang kakampi na amuyong ni Peping Cojuangco na puwede raw pagsamahin ang termino ni Romasanta bilang presidente ng volleyball at karate para maging apat na taon at pasok sa requirements ng POC By-laws. 

Nakatatawa kung ‘di lang mas nakadedesmaya ang pagbaluktot sa katuwiran nitong kampo ni Romasanta. Ang kakapal din ng mukha na kumapit sa POC at gumamit ng maruming paraan para manatili sila sa posisyon. 

Isa pa ang isang Charlie Ho na nagsabing POC secretary general daw siya, gayong ang posisyon ay dapat appointed ng Pangulo ng Filipinas at aprobado ng POC Executive Board.

Da who ba si Ho? 

Ang pinakamabuting gawin ay ituloy ang special elections sa POC para makapaghalal ng bagong mga opisyal. Nakahihiya sa International Olympic Committee at Olympic Council of Asia na parehong nakapansin sa kaguluhan sa POC. 

Siguradong magpipilit si Romasanta na tumakbo kahit ‘di siya kalipikado. Pakapalan na lang ng mukha. Kaya kailangan talaga ay magkaroon ng kandidato na tatapos sa marumi at baluktot na pamamalakad sa POC. 

Si POC chairman Tolentino, ang kaakibat  ni Vargas noon sa pagsusulong ng reporma sa POC, ang maaring pangunahan ang organisasyon sa isang bagong simula na ang Philippine sports ang tunay na bida, imbes mga opisyal na puro sarili lang nila ang inuuna. 

Sa mga miyembro ng POC, sana’y tubuan ng konsensiya at ihalal ang mga tulad ni Tolentino na ang puso at isipan ay nakatuon sa kapakanan ng mga atletang Filipino. Itapon na ‘yang mga nagpapayaman lang at walang paki sa kinabukasan ng Philippine sports. Iwan n’yo na ang bulok na sistema diyan sa POC at ipatupad ang tunay na pagbabago sa organisasyon.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *