SINALUBONG man ng bagyo’t malakas na ulan, naging maaliwalas pa rin ang Lungsod ng Maynila sa unang araw ni Manila Mayor Isko Moreno.
Malinis ang mga kalye at lansangan at tuloy-tuloy ang trapiko bagama’t baha sa ilang kalye sanhi ng malakas na ulan dulot ng bagyo.
Ang dating Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang nagdidirekta ng traffic sa major thoroughfares at intersections dangan nga lamang ay kulay asul at puti na ang kanilang mga uniporme.
Bukod sa bagong kulay ng kanilang uniporme ay bago na rin ang kanilang hepe sa katauhan ni Mr. Viaje na pumalit kay Dennis Alcoriza na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matagpuan.
Maging ang Divisoria, Plaza Miranda, Binondo, Blumentritt, Paco, at San Andres ay malinis na rin maging sa mga vendor, sasakyan at kung ano-ano pang dating obstruction.
Marami ang nagulat at namangha ngunit marami rin ang nagtataka kung saan napunta ang sandamakmak na vendors.
Napag-alaman natin na kasalukuyang pinag-aaralan ng kinauukulan sa pamumuno mismo ni Mayor Isko ang kalalagyan upang hindi maabala ang kanilang pinag-kikitaan.
Makikita rin ang koordinasyon ng mga pulis sa hanay ng Manila Police District (MPD) na pinamumunuan ni P/Gen. Vicente Danao, Jr., na nangakong makikipag-tulungan sa bagong administrasyon para sa kapakanan at progreso ng Lungsod ng Maynila.
Kapansin-pansin ang pagkawala ng mga peryahan sa Divisoria, Blumentritt, at Quiapo na dating libangan ng sandamakmak na tao sa paglalaro ng color game.
Sa ngayon ay hindi pa natin makikita ang pruweba kung ano ang magiging kalakaran sa bookies ng karera na nagkalat sa buong lungsod.
Mag-courtesy call din kaya sa bagong alkalde ng Maynila ang mga maintainer at kapitalista ng mga bookies? He he he…
Ilang araw pa lang ang bagong administrasyon ngunit kahit paano ay may nakikita’t napapansin na tayong pagbabago, ‘di po ba?
Siguro ang mas malaking pagbabago ang makikita sa paglipas ng mga araw, linggo, buwan, at taon sa pananatili sa puwesto ng bagong halal na alkalde ng Maynila na si Isko Moreno.
Kudos at mabuhay Mayor Isko Moreno!
YANIG
ni Bong Ramos