People haven’t used tariffs, but tariffs are a beautiful thing when you are the piggy bank, when you have all the money. Everyone is trying to get our money.
— US President Donald Trump
BASE sa pag-aaral ng United States Agency for International Development (USAID), umaabot sa P68.5 bilyon ang nawawala sa Filipinas sanhi ng illegal, unreported at unregulated na pangingisda na umuubos sa yamang dagat ng bansa at sadyang sumisira sa ating ekonomiya.
Bukod sa USAID report, sinabi rin ng United Nations (UN) na bumagsak pa ang produksiyon ng isda ng Filipinas dahil sa kompetisyon mula sa China at Vietnam.
Mahigit 60 porsiyento ng ating mga kababayan ang naninirahan sa mga dalampasigan at nakadepende sa coastal resources para sa kanilang kabuhayan, ngunit may matinding banta mula sa illegal at unregulated fishing.
Para matugunan ang usapin, naglunsad nitong nakaraang taon ang pamahalaang US, katuwang ang Bureau of Fishes and Aquatic Resources (BFAR), ng P1.3-bilyong Fish Right project na magtutuon ng pansin sa pagresolba sa mga biodiversity threat, pagpapaganda ng marine ecosystem governance at pagpapalaki ng bilang at timbang ng mga isda sa Calamianes Island group, karagatan ng Kabisayaan at Katimugang Negros.
Simula noong 1990s, nakasuporta ang USAID sa marine at biodiversity conservation efforts ng Filipinas at ang partnership natin sa Washington ay nagresulta sa 24 porsiyentong pagtataas ng fish biomass — o ang bilang at laki ng mga isda — sa ilang target regions.
Samantala, sa kabila ng nakababahalang USAID report ukol sa illegal fishing, nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang desisyon na huwag nang kuwestiyonin ang presensiya ng mga nangingisdang bangka ng mga Intsik sa loob ng ating exclusive economic zone (EZZ).
Partikular na tinatanong ng mga kritiko ng administrasyong Duterte ang presensiya ng barkong Chinese na bumangga at nagpalubog sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa Recto Bank ngunit inulit ng punong ehekutibo na magpapatuloy ang mga Intsik sa kanilang pangingisda sa loob ng teritoryo ng Filipinas dahil sa magandang relasyon ng dalawang bansa.
“I don’t think that China would do that. Why? Because we’re friends,” punto ng pangulo nang tanungin kung nararapat bang pigilan ang China sa pangingisda sa loob ng EEZ ng Filipinas.
“They are of the same view that that should not result in any bloody confrontation,” dagdag ni Duterte sa pagtukoy sa pananaw ng Beijing ukol sa isyu ng teritoryo sa West Philippine Sea.
***
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera