PINATUTUKAN na rin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilegal na pagpasok sa bansa ng mga smuggled flat glass na posibleng makaapekto sa construction industry sa bansa.
Sa naunang Department Administrative Order (DAO) na inilabas ng DTI, inaatasan nito ang Bureau of Product Standard (BPS) na maglunsad ng mas agresibong kampanya laban sa manufacturers at importers ng mga flat glass upang maprotektahan ang consumers.
Lumitaw sa imbestigasyon ng DTI, may manufacturers at importers ang nagpapalusot ng mga substandard flat glass na nagagamit sa matataas na gusali sa mga business district sa Metro Manila at mga lalawigan.
Sa pamamagitan ni DTI-BPS Director, Engr. James Empeno, mas naging aktibo ang kampanya laban sa mga flat glass kasunod ng mga impormasyong dumating sa ahensiya na may mga smuggler ang nagpapalusot ng papasok sa bansa.
Nanawagan ang DTI sa Bureau of Customs sa mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan upang hindi makapasok sa bansa ang mga substandard flat glass.
Sinabi ng DTI, malaking panganib sa publiko ang paggamit ng mga subtstandard flat glass, lalo sa matataas na gusali, dahil hindi niya kinakaya ang malakas na hampas ng hangin at kahit mahinang pagyanig ng lupa.
Nanawagan din ang DTI sa publiko na ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang mga construction company na tumatangkilik sa mga substandard flat glass para maipagharap ng kaukulang kaso.