HULI ang apat na Chinese nationals nang pagtulungang gulpihin ang tatlong customer na Filipino at sirain ang isang sasakyan sa labas ng isang bar sa Las Piñas City kahapon.
Nahaharap sa kasong physical injuries at malicious mischief ang mga suspek na sina ID Tian, 30; Li Hua, 23; Xia Chen, 26; at Zhao Zhoog Bao,34, pawang binata, residente sa Alabang Studio City, Muntinlupa City .
Kinilala ang mga biktima na sina Joel Caguiat, 43, may asawa, scuba diver instructor, ng 225 Generoso St., Barangay Talon 2, Las Piñas City; Carlos Federico Magpayo Gil, 42, may asawa, flight attendant, ressidente sa Judea St., Multinational Village, Parañaque City; at Amarante Orias Velasco, 40, may asawa, cabin crew, ng Field Residences, Sucat, Parañaque City.
Sa pagsisiyasat nina P/CMSgt. Rene Mollenido, P/SMSgt. Gilbert Curaza at P/SMSgt. Joswey Tobias, mga imbestigador ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), dakong 2:30 am nang mangyari ang insidente sa parking lot ng Cowboy Grill sa Alabang-Zapote Road, Bgy. Almanza Uno sa Las Piñas City.
Nang lumabas ang mga biktima sa bar, kinuyog umano sila at binugbog ng grupo ng mga lalaki na kinabibilangan ng apat na Chinese nationals saka sinira ang bintana ng isang Toyota Corolla Altis na may plakang XJP 621, pag-aari ng biktimang si Velasco.
Agad nagresponde sina P/SSgt. Renato Calda, P/Cpl. Kimberly Acosta ng Police Community Precinct (PCP-7) at mga tanod na sina Rosalie Sarmeinto, Erick Francisco, at Samuel Morales, ng Bgy. Talon, kung saan nadakip ang apat na Chinese national habang nakatakas ang iba nilang kasama.
Positibong itinuro ng mga biktima ang apat na suspek na kabilang sa nambugbog sa kanila.
Nagsasagawa ng follow-up operations ang awtoridad para sa ikadarakip ng iba pang suspek.
(JAJA GARCIA)