HINDI na talaga pahuhuli ang Pinoy kung ang usapin ay tungkol sa animation. Matapos makapasok ang sampung Pinoy sa global animation industry, isang tagumpay din ang pagkapili sa isang Filipino animated TV series sa ikalimang edisyon ng Bridging the Gap (BTG) Animation Lab ng Spain.
Ang tinutukoy na Filipino animated TV series project ay ang Alphabesties ni Neema B. Ejercito na lalahok sa intensive workshop sessions simula sa Hulyo 14-20, 2019 sa Tenerife, Spain. Ang Alphabesties ay produced ng Toast&Brew Animation & Game Design Studio, at ito ang kaisa-isang Filipino project na napili para sa nasabing Lab ngayong taon.
Ang Bridging the Gap Animation Lab ay isang partner program ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na nag-e-expose sa emerging animators mula sa Pilipinas at nagbibigay sa kanila ng pagkakataong makipagkilala at makipag-network sa influential international professionals at decision-makers sa animation industry.
Layunin ng Animation Lab ng BTG na pagandahin at itaguyod ang animation projects mula sa buong mundo at mag-facilitate ng international collaboration at networks.
Sa tulong ng International Film Studies Assistance Program (IFSAP) ng FDCP, makatatanggap ng travel support at stipend ang staff at crew ng Alphabesties.
“May world-class talent ang animators natin, at honored kami na binigyang-pansin ng BTG ang potential ng isang Filipino animation project laban sa halos 100 projects na natanggap nila mula sa buong mundo” ani FDCP Chairperson and CEO Mary Liza Diño.”Gumagawa kami ng iba’t ibang initiatives para mas lalong i-empower ang local animation sector at tulungan ang animators nating makapag-produce ng IP content na may kuwentong masasabi nilang tunay na sa kanila,” dagdag pa.
Sa huling dalawang edition ng BTG, nagbigay ng suporta ang FDCP sa animated projects na Anito ni John Aurthur Mercader at You Son of a Bitch! ni David Liongoren.
Para sa taong ito, 13 projects ang napili para sa Animation Lab ng BTG. Kasama rito ang feature films at TV series mula sa Pilipinas, Brazil, Mexico, Spain, Colombia, Argentina, Ecuador, Venezuela, at Chile.
Fifteen (15) directors at producers ang ime-mentor ng international experts para mas pagandahin ang kanilang projects at mas pagtibayin ang kanilang industry strategy sa loob ng pitong (7) araw sa Tenerife, Spain. Sasailalim sila sa training activities at tatanggap ng networking at payo sa script, production, distribution, pitching, character design, at bagong business models, at iba pa.
Bawat kalahok ay magkakaroon ng pagkakataong makatanggap ng private consultations at makapag-present ng kanilang projects sa industry professionals at decision-makers.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio