NANINIWALA ang mga political analyst na nawalan ng kompiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa pag-atras sa nabuong term sharing sa house speakership.
Para sa political analyst na si University of the Philippines Professor Ranjit Rye, si Velasco ang napurohan nang tanggihan niya ang kasunduan sa term sharing lalo pa’t inaprobahan ito ng Pangulo bilang solusyon sa gusot sa Speakership race.
Maging ang batikang analyst na si Mon Casiple ay naniniwalang malaki ang nawala kay Velasco, hindi umano ang term sharing ang kanyang tinanggihan kundi ang nais mismong mangyari ni Pangulong Duterte.
“Naniniwala akong nainis o nagalit din si Pangulong Duterte nang tanggihan siya ni Velasco, he has lost a lot of points there,” paliwanag ni Casiple.
Ang term sharing sa pagitan nina Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ay ipinanukala ng kampo ni Velasco, base sa pahayag ni Pangulong Duterte.
Pumabor siya sa term sharing lalo pa’t napangakuan si Cayetano gayondin si Velasco na tutulungan sila na makuha ang posisyon ng House Speaker.
Inamin din ng Pangulong Duterte na bagama’t kaibigan niya ang isa pang Speaker wannabe na si Leyte Rep. Martin Romualdez na sinuportahan din siya sa nakaraang eleksyon, wala naman siyang naging pangako sa kongresista ukol sa pagiging Speaker.
Samantala, walang nakikitang masama ang ilang kongresista sa ipinapanukalang term sharing pero inatrasan ni Velasco.
Sinabi ni Cavite Rep. Abrahan Tolentino, kung nais ng Pangulong Duterte ang term sharing, agad silang tatalima bilang nakaaalam ng makabubuti sa kanyang administrasyon.
Samantala Ilang senior members din ng Kamara ang pumuna sa estilo ni Velasco na maihahalintulad sa pagiging trapo, kasama na rito ang pinupukol sa kanya na vote buying, ang pagsakay sa mga events ng Malacañang para palabasin na malapit siya sa Pangulong Duterte at pagmamayabang ng suporta na walang katotohanan.
Nalagay din sa hot water si Velasco nang magsinungaling na walang term sharing na sinasabi si Pangulong Duterte sa Speakership, ngunit sa panayam sa Pangulo, inamin at idinetalye nito ang nabuong kasunduan ukol sa paghahati ng 3-taon termino bilang House Speaker nina Velasco at Cayetano.
Unang magsisilbi sa Cayetano sa loob ng 15 buwan at susundan ni Velasco ng 21 buwan.
Hanggang ngayon ay tikom ang bibig ni Velasco ukol sa ginawa niyang pagsisinungaling na walang term sharing.
HATAW News Team