PINALABAS na sinungaling ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco ang Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin na walang nabanggit na hatian sa termino para sa speakership agreement.
Desmayado si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa inasta ni Velasco at pinaalala na ang Pangulo mismo ang nagpaliwanag sa mga reporter noong nakaraang Miyerkoles sa Malacañang kung ano ang napagkasunduan nila ni Velasco sa pag-upo bilang Speaker ng 18th Congress.
“Nakalulungkot ang mga pahayag ni Velasco. Hind ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyang magsinungaling nang harap-harapan at pinapalabas pang hindi totoo ang mga sinabi ng ating Pangulo na mayroon ngang term-sharing agreement na napagkasunduan,” ayon kay Cayetano.
“Pinagmumukha niyang sinungaling ang ating Pangulo. Iniiba niya at pinabubulaanan ang mga sinabi ni Pangulong Duterte para umayon sa kung ano ang pabor sa kaniya,” dagdag ni Cayetano.
Nagtataka si Cayetano kung paano nasabi ni Velasco na hindi naman daw nabanggit ng Pangulo ang term-sharing agreement sa pagka-Speaker sa kanilang dalawa gayong ang Pangulo mismo ang nagsabi sa mga reporters noong nakaraang Miyerkoles na mayroon ngang ganoong formula bilang solusyon sa isyu.
“Just to break the impasse, let us have this formula (para matapos ang hindi nila pagkakasundo, magkaroon tayo ng ganitong formula),” sabi ng Pangulo sa mga reporters, na tumutukoy sa term-sharing agreement.
Sinabi rin ng Pangulo sa ambush interview ng mga reporters: “Ang sabi, may term-sharing, Correct ‘yan.”
Kinompirma rin ni Pangulong Duterte na pumayag si Cayetano na umupo sa mas maikling termino na unang 15 buwan bilang Speaker at si Velasco sa susunod na 21 buwan. Pero ayon sa Pangulo: “Si Velasco mukhang last minute nag-back out.”
Tinawag na Magellan formula ang term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco dahil nagpapagunita noong 1521 nang unang nakarating si Ferdinand Magellan sa Filipinas.
Binigyang-diin ni Cayetano, buo ang tiwala at respeto niya sa Pangulo lalo sa isyu ng speakership, kaya’t pumayag siya sa term-sharing agreement.
“May maayos at sibilisadong paraan para sabihing ayaw mo sa isang kasunduan, at mayroon rin tamang panahon, at ‘yan ay habang magkakaharap kayo kasama ang Pangulo. Kung aatras ka at the last minute at pagmumukhain mo pang sinungaling ang Pangulo, nagpapakita ito ng kawalan ng paggalang sa kanya,” ani Cayetano.