DESPERADO na si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano sa kanyang kampanyang maging House speaker dahil hindi siya iniendosong maging ng kanyang sariling partido – ang Nacionalista Party (NP).
Ito ang ibinunyag kahapon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa radio interview sa kanya ni Ms. Divine Reyes ng DZBB.
“Si Congressman Cayetano po is from NP but even NP, kahit na tawagan ho ninyo si Senator (Cynthia) Villar, ay hindi pa ho nagre-release ng statement that they are endorsing Congressman Cayetano,” ani Pimentel.
Kabaligtaran ng masamang kapalaran ni Cayetano ang nakukuhang suporta ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na umaabot ang numero sa 180 hanggang 200 dahil sa pag-aalyansa ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), Nationalist People’s Coalition (NPC), Party-list Coalition, Northern Alliance, at ibang independent congressmen, ayon sa kinatawan ng Surigao del Sur.
Kanyang iginiit ang multi-party support para kay Velasco ay awtorisado at may clearance mula sa mga partido.
Sinabi ni Pimentel, ang mga numero ni Velasco ang dahilan kung bakit patuloy na inihihirit ni Cayetano hanggang ngayon ang term sharing.
“Sa tingin ko po, iginigiit ni Congressman Cayetano ‘yan (term sharing) kasi he can see that Congressman Velasco already has the numbers,” aniya.
Inilinaw din ng mambabatas na hindi umatras ang Marinduque representative sa ipinagpipilitan ni Cayetano na term-sharing agreement dahil wala naman daw talagang napagkasunduan ang magkakaribal para sa posisyon at pinaglipasan na rin ito ng panahon dahil iba na ang sinasabi ngayon ni Presidente Rodrigo Duterte kaugnay ng karera para sa susunod na House speaker.
“Ang last na sinabi ni Presidente, mga kaibigan kong lahat ang mga kandidato, labo-labo na lang sila,” ani Pimentel.
Huli itong sinabi ng Pangulo sa isang oath taking event sa Palasyo nitong Biyernes.
Dagdag niya, simula’t simula’y klaro raw na sinasabi ni Presidente Duterte na hindi siya manghihimasok sa bakbakan para sa susunod na lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
HATAW News Team