NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng preventive suspension order laban sa operator ng bus na sangkot sa malaking insidente ng banggaan sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Valenzuela City nitong nakaraang Biyernes ng gabi sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Sinuspende ng LTFRB ang Buena Sher Transport, may-ari ng Del Carmen bus na nadisgrasya at tumagilid sa kahabaan ng NLEX sa bahagi ng Karuhatan sa Valenzuela City, na ikinamatay ng walong pasahero at ikinasugat ng 15 iba pa.
Iniimbestigahan ng LTFRB ang insidente upang matukoy ang pananagutan ng kompanya ng bus.
Kung mapapatunayan na may pagkakamali ang Buen Asher Transport, maaaring maharap sa kanselasyon ng kanilang prankisa, ayon pa sa LTFRB.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na isang Isuzu Crosswind ang nagbagal ng takbo sa kahabaan ng NLEX dahil sa lakas ng ulan kaya nabangga ng bus ang likurang bahagi nito.
Pumaling pakaliwa ang bus bago tumama sa concrete barrier, umikot saka tuluyang tumagilid.
Kinilala ni Valenzuela acting chief of police P/Col. Carlito Gaces ang mga biktimang dead on-the-spot na sina Leo Victorino, 38, ng Sta. Maria Bulacan; Jennifer Fernandez, 32, residente sa 7-KJJ St., Brgy. East Kamias, Quezon City; Joan Garcia, taga-Rodriguez, Rizal; Mary Grace Alvarez, Maria Paz Mariano, Zeus Lapig, pawang mga residente sa Bulacan.
Hindi umabot nang buhay sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital sina Norbero Ancajas, 48, residente sa Bago Bantay, Quezon City; at John Christopher Ednave, 36, ng Bundukan, Bocaue, Bulacan.
Sa pahayag ni Gaces, dead on-the-spot ang anim na biktima matapos tumilapon palabas ng bintana at madaganan ng bus habang ang dalawa ay hindi na umabot sa hospital.
Kinilala ang mga sugatan, kabilang ang bus driver na si Victorio Delos Reyes, 39, residente sa 38-B Kanto Balasing, Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan.
Ang siyam na pasherong nasaktan at nasugatan ay sina Cherilyn Del Rosaio, 23, Michael Abogadie, 28, Nikki Agustin, 27, RJay Mark Mallari, 31, John Patrick Gayon, 10, Justin Gayon, 7, Neil Bryan Antonio, Jaykee Arriesgado, at Leonila Hermogenes na isinugod sa magkakaibang hospitals.
Habang pasahero ng AUV sina Redhel Lucas, 41, Jully Ann Jose, 32, Sujan Shretha, 33, Rafael Mohan Giron, 7, at ang driver na si Marvin Joseph Giron, 32, pawang residente sa San Antonio, Cavite City ay dinala sa MCU hospital.
Sa ulat, naganap ang insidente, dakong 7:10 pm, sa kasagsagan ng malakas na ulan sa sa kahabaan ng Kilometer 12+800 Southbound NLEX, Gen. T. De Leon habang tinatahak ng dalawang sangkot na sasakyan ang kahabaan ng kalsada patungong Manila.
Sinabi sa ulat, mabagal umano ang takbo ng Isuzu Crosswind (ZGG 985) na minamaneho ni Giron, nang mabangga sa likuran ng mabilis ang takbong DelM Carmen Bus , may plakang AGA 8610, na naging dahilan upang mapunta sa kanang bahagi ng kalsada ang saksakyan.
Nawalan ng control ang driver ng bus hanggang ararohin ang concrete barrier bago bumaliktad.
Kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to property ang isinampa ng pulisya kay Delos Reyes sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (May kasamang ulat ni Rommel Sales)