“V LOGGER ako!” Ito ang giit ni Sylvia Sanchez nangkuwestiyonin ng mga kaibigang kasama sa pagbili ng cellphone kamakailan. Paano, anang kaibigan ng aktres, kumbaga sa kotse, ‘yung top of the line o pinakamahal at may pinakamalaking memory ang hinahanap nito.
At nang tanungin kung bakit ‘yun ang hanap ng aktres, sagot nito’y vlogger siya. At pinangatawanan nga iyon ni Ibyang (tawag kay Sylvia) dahil three weeks ago, inilunsad niya ang kauna-unahang vlog na may titulong Tungog na nasundan agad ng Tabuan, Budots, Patintero, Pinaiyak Nila Ako!, Life Lessons, at ang pinaka-latest, ang Dancing Queen.
May 15,600 views agad ang Tungog (episode 1) at may 9.2K subscribers na ang vlog ni Sylvia. Pinakamaraming views ang vlog niya na may titulong Tabuan. Ito ay may56,624 views at may 1.9K likes.
Isang simpleng Sylvia ang mapapanood sa Tabuan. Ang Tabuan ang pinaka-busy at mayamang public market sa Nasipit. Doo’y naka-duster lamang ang aktres nang magtungo sa palengke, ang Nasipit Public Market. Ani Sylvia, masaya siya kapag naroon dahil kilala siya bilang si Jojo (ang kanyang totoong pangalan) at hindi bilang artista na si Sylvia.
Ipinakita roon ang mga produktong karaniwang binibili niya tulad ng salbaro—kamoteng kahoy—na specialty sa Nasipit. ”Sanay sila na kapag Sunday namamalengke ako,”ani Sylvia.
Nakatutuwang mamalengke si Sylvia na tila gustong bilhin ang lahat ng paninda roon.
Pinakagusto kong vlog iyong pagpapakita ng kasimplehan ng mga anak niyang sina Arjo, Ria, Gela, at Savi. Given na kasi ang pagiging simple ni Sylvia, pero ang kanyang mga anak na rito sa Maynila ipinanganak at lumaki, mga Inglisero pa, pero hayun napagbubuhat mo ng kaldero, napagliligpit, napagluluto ng lechon, at nakikihalubilo sa mga simpleng tao roon sa probinsiya. Aba kamangha-mangha itong ginagawang ito ng mga bata ha, kasi naman mayaman sila pero hayun at simple rin lang sila kapag nasa probinsiya ng kanilang ina.
Kaya masasabing, dito inilantad ni Sylvia na napagbubuhat niya ng kaldero ang binatang sosyal na sosyal sa ating paningin.
Isa lang ang ibig sabihin nito, maganda ang pagpapalaki nina Sylvia at Papa Art Atayde sa kanilang mga anak.
May nakapagkuwento pa nga sa amin na mas gusto ng bunso ni Sylvia sa probinsiya dahil masaya itong nakipaglalaro sa mga batang katulad niya roon.
Marami pang exciting at nakatutuwang topic si Sylvia sa kanyang vlog kaya watch n’yo na lang.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio