NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte na ipauubaya sa Philippine Air Force ang seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) alinsunod sa state of national emergency na idineklara niya noon pang 2016.
“At nag-warning lang ako na if that NAIA is not — the security is not improved there — I will order the Air Force to take over. Kasi you must remember I declared a national emergency when I started as President. And I would invoke it,” ayon sa Pangulo sa kanyang talumpati kamakalawa ng gabi sa anibersaryo ng Presidential Security Group (PSG).
Iginiit ng Pangulo na posibleng magdulot ng disgrasya ang maluwag na seguridad sa NAIA na maaari aniyang magresulta sa pagkatalo ng buong bansa.
Sinabi ng pangulo na marami pa siyang mga radikal na pagbabagong ipatutupad dahil kinakailangan ng sitwasyon.
Gayonman, hindi aniya kasali rito ang pagsuong sa giyera.
Matatandaan, kamakailan ay personal na binisita ng pangulo ang NAIA Terminal 2 at hindi siya nasiyahan sa kaniyang nakita at nadatnang sitwasyon sa paliparan.
(ROSE NOVENARIO)