WALANG patid ang panunuyo ni Marinduque Rep. Lord Allan sa mga mambabatas mula sa ibang partido upang makuha ang kanilang boto, matapos makompirma na hindi solido ang kinaaniban niyang PDP-Laban, may 84 miyembro, sa kanyang kandidatura para sa Speakership.
Kahapon ay inianunsiyo nina PDP-Laban members representatives Doy Leachon, Johnny Pimentel, at Rimpy Bondoc na nasa 40 miyembro ng partido ang pumirma sa Manifesto of Support para sa Speakership bid ni Velasco.
Samantala ang ibang miyembro nito na pawang senior congressmen ay nag-cross partylines para suportahan ang kandidatura ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, na mula sa Nacionalista Party.
Kinompirma ng Makabayan Bloc na kinausap sila ni Velasco, pero hindi isinapubliko ang mga pangako sa kanila maliban sa tiniyak na kung dati ay limitado ang oras ng oposisyon pagdating sa mga debate, sa ilalim ng bagong liderato ay mas luluwagan umano ito.
Sa panig ng Liberal Party, sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na kinausap din sila ni Velasco. Aniya, hinihikayat sila ni Velasco na sumama sa Majority at isa sa posibleng ibigay sa kanila ay committee chairmanship para sa kanilang senior members.
Inamin ni Erice, hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang kanilang partido sa Kamara kung sino ang susuportahang Speaker. Bloc voting din ang gagawing pagboto ng LP na may 18 miyembro.
Ang Partylist Coalition Foundation Inc. (PCFI) na may 54 miyembro ay inaawitan din ni Velasco. Isa sa hinihiling ng koalisyon sa susuportahan nilang Speaker ay makuha muli ang 32 puwesto sa Kamara na kanilang hawak sa nakaraang 17th Congress.
Sinasabing kapalit din ng suporta ng PCFI ang pagla-lobby ni 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero na maging House Majority Leader sakaling si Velasco ang hirangin na House Speaker, pero tinututulan ito ng senior district ongressmen.
Sinabi ni Erice, karaniwang nakareserba ang posisyon ng Majoity Leader sa mga abogado at sa mga well-versed na sa House Rules dahil matagal nang miyembro ng House of Representatives.
Bukod kay Velasco, sinasabing nanunuyo rin si Leyte Rep. Martin Romualdez ng mga kapwa mambabatas. Una nang sinabi ni outgoing Quezon Rep. Danilo Suarez na may 153 congressmen ang lumagda sa manifesto of support sa kandidatura ni Romualdez ngunit wala namang nagkokompirma nito.
Ang National Unity Party na may 25 miyembro at ang Nacionalista Party na may 42 miyembro ang nauna nang nagpahayag ng kanilang susuportahang Speaker, napili ng partido, na boboto sa pamamagitan ng bloc voting, si Cayetano.
HATAW News Team