PLANO raw irekomenda ni senator-elect Bong Go na ipagpaliban ang barangay election sa susunod na taon at gawin ito sa 2022, sa kung anong dahilan ay hindi maliwanag, pero sa tingin ng marami ay tulad din ito ng mga ginawa noong mga nakaraang administrasyon bilang bonus sa mga nakaupong mga kapitan ng barangay dahil nakatulong daw sa nakaraang eleksiyon. Walang pagbabago kung ganoon?
Gunitain natin ang pinagmulan ng barangay
Itinatag ni Pres. Ferdinand Marcos at DLGCD Sec. Jose Roño ang mga Barangay noong 1978 upang maging kabahagi sa paghahatid serbisyo at impormasyon ng gobyerno at maging katulong ng mga lokal na pamahalaan, pero taliwas ito sa nangyayari ngayon. Ang mga opisyal ng barangay ay naging isang higanteng makinarya ng mga politiko at mistulang
de-bateryang robot ng mga lokal na opisyal ng bayan tuwing may eleksiyon. Malayo ito sa totoong layunin ni Marcos noon.
Naging ugat na sila ng sakit ng lipunan ngayon
May ibang barangay na naniningil na ng barangay taxation at may pakialam na rin sa business permit na dati ay pagbibigay lamang ng barangay clearances ang papel na ginagampanan. May mga opisyal ng barangay na involve sa droga patunay dito ang 207 barangay captains na kasali sa listahan ni Pres. Digong. May mga protektor pa ng ilegal na sugal at prostitusyon na imbes na sila ang sumusupil pero kabaliktaran ang nagyayari. Sila ang makabagong hudas ng bayan at kanser ng lipunan!
Term extensions kapag nagkataon?
Unang hirit pa lamang ito ni senator-elect Bong Go pero parang sintonado kaagad sa pandinig at sa tingin ng taongbayan kahit sabihin pang may matutuwang 42,029 brangay captains sa buong Filipinas ay magiging depekto naman sa inaasahan nila sa 2022 national elections dahil mahigit 100,000 naghahangad tumakbo bilang kapitan sa susunod na taon. Timbangin din dapat ni Senador Bong Go at baka naman magkulang sa pansin ang mas nakararami.
Let it go Sen. Bong Go!
BAKAS
ni Kokoy Alano