MULING binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang flat glass manufacturers at importers na sumunod sa estriktong pamantayan sa kalidad ng kanilang mga produkto.
Sa inilabas ng DTI na Department Administrative Order (DAO) nitong 6 Abril 2019, inaatasan ang pagtatakda ng Product Standard for Flat Glass sa buong bansa na naglalayong pairalin sa mga construction site ang paggamit ng mataas na uri ng salamin sa mga gusali.
Nagsanib-puwersa ang DTI at ang Bureau of Product Standard para lalo pang palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa mga kontraktor, importers at manufacturers ng flat glass.
Ayon kay DTI-BPS director, Engr. James Empeno, patuloy ang paglakas ng construction sector sa bansa sa nakaraang tatlong taon kaya mas dapat maging agresibo ang ahensiya laban sa mga gumagamit ng mga substandard flat glass dahil inilalagay sa panganib ang mga mamamayan.
Binigyang-diin ni Empeno, ang mataas na uri ng flat glass na weather-tested ay hindi basta nababasag ng hangin o anomang bagyo, lalo kung ito ay nakakabit sa mga sky scraper o mataas na mga gusali.
Nanawagan din ang DTI sa lahat ng stakeholders na sumunod sa DAO upang hindi mapatigil ang konstruksiyon ng kanilang mga building dahil lamang sa paggamit ng low quality flat glass.