TAMEME si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa panibagong bansag na ‘Boy Sakay’ dahil sa kapuna-punang paggamit at pag-angkas niya sa mga event ng Malacañang at maging ni Senator-elect Bong Go para sa kanyang pangangampanya sa Speakership.
Ilang mamamahayag ang nagtangka na hingan ng reaksiyon si Velasco ukol sa nasabing isyu ngunit sa kabila ng paulit-ulit na text at tawag ay hindi sumasagot ang mambabatas.
Unang kumalat ang text blast mula sa tanggapan ni Velasco para sa mga kongresista na nakasaad: “Good Evening Congressman, This is from the Office of Cong. Lord Allan Velasco. We were requested to help coordinate for the Mass Oath-taking of newly elected officials with PRRD next week, June 25, 2019 (Tuesday), 5:15pm, at Rizal Hall, Malacañan.”
Ang nasabing event ay para sa mass oath taking ng supporters ni Go pero nag-iimbita si Velasco ng mga mambabatas.
Tinawag na immoral at highly indecent ni House Majority Leader Fredenil Castro ang ginagawang “political pickpocketing” ni Velasco.
Ani Castro, malinaw na self-serving para sa political interest niya sa Speakership race ang mag-imbita ng mga mambabatas sa isang okasyon ng Malacañang na hindi naman sila talaga imbitado.
“To grab, snatch, or hijack the limelight of those who are scheduled to take their oath, including lawmakers, and the honor of the President administering the oath for self-serving political purpose is highly immoral if not highly indecent,” pahayag ni Castro.
Paalala niya sa Speaker wannabes, huwag maki-ride o gamitin ang event ni Pangulong Duterte para sa kanilang political agenda.
Unang lumutang na si Velasco ang nag-sponsor ng dinner kamakailan sa Malacañang na dinaluhan ng mga mambabatas ngunit lumabas na sponsor ni incoming Davao Rep. Pulong Duterte.
Pinuna rin ng ilang mambabatas ang palagiang pagpapalabas ni Velasco ng mga retrato kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga event sa loob at labas ng bansa, gaya ng pinakahuli sa Asean Meeting sa Thailand.
Ang estilo ng pagsakay sa events ng Malacañang ni Velasco ay pinupulaan ng mga mambabatas.
Kung ikokompara kina Leyte Rep. Martin Romualdez at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na pawang kandidato rin sa Speakership na nagkaroon din ng pagpupulong kasama ang ilang mga mambabatas pero sila ang mismong nag-organisa habang ang mga pagtitipon na dinaluhan na kasama si Pangulong Duterte ay pawang official functions.
HATAW News Team