DEDIKASYON ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagsilip sa kanilang attendance bilang mambabatas sa Kamara, ang suhestiyon ng isang political analyst na dapat silipin, sa gitna ng mainit na diskusyon kung sino ang dapat na hiranging House Speaker.
Ayon kay University of the Philippines professor at political analyst Ranjit Rye, dapat tingnan ang work ethics ng isang magiging House Speaker dahil dito pa lamang ay makikita kung magtatagumpay ang 18th Congress.
Para kay Rye, may makikita na agad sa personalidad ng isang potensiyal na lider sa pagsilip pa lamang sa kanyang attendance sa Kamara.
“Huwag na muna natin tingnan ‘yung dami ng batas na ipinanukala, tingnan muna ‘yung attendance, kasi kung pala-absent, sigurado bagsak din sa performance,” pahayag ni Rye.
Absenteeism ang isa sa ipinupukol na isyu laban kay neophyte Speakership candidate Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Puna umano ng ilang mambabatas, palagiang wala sa session si Velasco.
Anila, tila bata pa ay maihahalintulad na sa mga traditional politician (trapo).
Ang sesyon ng Kamara ay mula Lunes hanggang Miyerkoles na nagsisimula dakong 3:00 pm.
Inamin ni Rye, sa kanyang pagkakaaalam laging wala sa sesyon si Velasco na kinompirma rin ng isang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Aniya, isa umano sa dahilan kung bakit hindi pamilyar sa ilang mambabatas si Velasco ay dahil hindi siya madalas na nakikita sa Plenary Hall.
Sa 16th Congress attendance na nakapaskil sa website ng Kamara, dalawa lamang ang attendance ni Velasco sa Third Session ng 16th Congress.
Bagamat hindi pa ipinalalabas ang official attendance para sa 17th Congress, ilang insider ang nagsabi na halos kalahati ng kabuuang sesyon ay hindi pumasok si Velasco.
Matatandaan, si Velasco ang matapang na nagmungkahi kay Pangulong Rodrigo Duterte ng term sharing nila ni Taguig Rep. Allan Peter Cayetano ngunit nang maaprobahan ay umatras ang unang mambabatas dahil nais niyang mauna siya sa term sharing.
Itinuturing ng ilang political analyst na ito ay pagpapakita ng pagsuway at pagmamalaki ni Velasco kay Pangulong Duterte.
Pinuna ng ilang mambabatas ang pagiging “overconfident” ni Velasco na masusungkit ang House Speakership dahil sa koneksiyon niya sa First Family at isang business tycoon.
Bukod kina Velasco at Cayetano ilan sa kandidato sa Speakership sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez, Leyte Rep Martin Romualdez at Pampanga Rep Dong Gonzales.
HATAW News Team